Gawad Dangal ng Lipi gaganapin ngayon sa Hiyas ng Bulacan Convention Center
Mon Lazaro September 13, 2023 at 05:39 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Gaganapin ngayong araw ng Miyerkules, ika-13 ng Setyembre, sa ganap na 5:00 ng hapon ang taunang Gawad Dangal ng Lipi sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
Ang Gawad Dangal ng Lipi ay isa sa mga tampok na gawain para sa Singkaban Festival 2023 na may temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana”.
Ang nasabing okasyon ay magbibigay ng parangal at pagkilala sa mga kagalang-galang at natatanging Bulakenyo.
Kabilang sa mga kategoryang pararangalan ang serbisyo publiko, serbisyo sa komunidad, edukasyon, agham at teknolohiya, sining at kultura, palakasan, propesyonal, kalakalan at industriya, negosyo, agrikultura, kalusugan at Bulakenyo Expatriate.
Ipagkakaloob naman ang Tanging Bulakeño, na pinakatamataas na parangal, sa may pinakamahusay at may natatanging kontribusyon alinman sa mga nabanggit na kategorya.
Ayon kay Gob. Daniel Fernando ng Bulacan, “Nawa ay makapagbigay ito ng inspirasyon sa mga Bulakeño upang higit pang magpunyagi at mapahusay ang kanilang kakayahan at kaalaman sa kani-kanilang napiling larangan at sa pamamagitan nito ay makatulong sa lipunan na kanilang kinabibilangan.”
Kabilang sa mga nauna nang pinarangalan ng Dangal ng Lipi sina Department of Justice Secretary Atty. Menardo I. Guevarra, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines Gen. Carlito G. Galvez, Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, Aurora F. Sumulong, Senator Blas Ople, dating Pangulong Corazon Aquino, Regine Velasquez, Dolphy, Joey De Leon, Arnold Clavio, at dating gobernador ng Bulacan Roberto “Obet” Pagdanganan.
Photo: Gov. Daniel Fernando FB