Gob. Daniel Fernando pinangunahan ang paggunita sa ika-162 kapanganakan ni Gat Jose Rizal
Mon Lazaro June 19, 2023 at 11:12 PM
LUNGSOD NG MALOLOS – Nakiisa si Bulacan Governor Daniel Fernando sa komemorasyon ng ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ng Pambansang Bayani ng Pilipinas na si Gat. Jose Rizal na ginanap sa NHCP Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real sa lungsod na ito.
Ang mga makabansang sulatin ni Gat Jose Rizal ay nagpaigting sa makabayang damdamin ng ating mga ninuno at naging daan para sa pag-aklas laban sa pamahalaang kolonyal ng Espanya na naghatol sa kanya ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril sa kanya noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan (Luneta).
Ayon sa gobernador, “Nawa’y pag-alabin natin ang ating pagmamahal sa bayan at ang ating determinasyon na maging tunay na mga bayani sa ating mga gawain at pagkilos. Isabuhay natin ang kanyang mga aral at adhikain upang patuloy na magningning ang kanyang diwa sa bawat isa sa atin.”
Pinaalalahanan din ni Fernando ang mga Bulakenyo tungkol sa mga kabayanihan ni Rizal at para pagnilayan at ipagpatuloy nila ang kahanga-hangang pamana ni Rizal sa bansa.
Sinabi pa ng gobernador na, “Sa kanyang kabayanihan, hinamon tayo ni Gat. Jose Rizal na patuloy na magsikap para sa pag-unlad at pagkakaisa ng ating lalawigan. Ngayon, hinihikayat ko ang bawat Bulakenyo na samantalahin ang diwa ng pagiging bayani sa ating mga sarili. Magpamalas tayo ng katapangan, husay, at malasakit sa bawat gawain at adhikain na ating pinaglilingkuran.”
Nakiisa rin sa nasabing okasyon si Bise Gobernador Alexis Castro, Malolos City Vice Mayor Miguel Alberto Bautista, at Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Department Head Dr. Eliseo Dela Cruz.
Screengrab from Gov. Daniel R. Fernando Live