Governor Daniel Fernando ipinaliwanag ang mga patakaran sa ECQ
Mike Manalaysay March 28, 2021 at 02:03 PMInanunsyo ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa pamamagitan ng Facebook Live ang mga kautusan na ipapatupad sa buong lalawigan simula sa Lunes, March 29 hanggang sa April 24, 2021.
Ipinaliwanag ng gobernador ang dahilan ng mga bagong patakaran, “Ito ay isasagawa natin alang-alang sa kaligtasan ng lahat. Dama ko po ang inyong kalagayan. Matagal tayong nakipaglaban at nakikipaglaban sa pandemyang ito. At ngayon pa lamang tayo unti-unting bumabangon sa lahat ng bagay. Sa kasamaang palad itong sabay- sabay na paglabas ng tao kasama ang pagpasok ng bagong variant ay lubhang nagpabilis sa pag-akyat ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Governor Fernando, magiging istrikto raw sa implementasyon ng utos na stay at home. Limitado raw ang pampublikong transportasyon pero papayagan ang pamamasada ng jeep at tricycle, basta mayroong social distancing.
Magkakaroon din ng curfew sa buong lalawigan mula 6 p.m. hanggang 5 a.m. Hindi raw papayagang magbukas ang mga mall pero mananatili ang serbisyo ng mga essential goods at services. Ang operasyon naman ng mga restawran ay limitado lang sa take out at delivery.
Nilimitahan din ang inter-zonal mobility lalo na raw sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19. Magiging mahigpit din daw sa mga nakatalagang checkpoint.
“Sa isang linggong lockdown po hiling ko po ang pagkakaisa nating lahat, pagtalima sa batas, pagpapairal ng minimum health standard at pagdadamayan sa ating bago na namang pagsubok. Higit sa lahat gamitin natin ang sandaling ito ng kuwaresma para sa taimtim na panalangin at pagsusumamo natin sa ating dakilang Diyos na siyang tanging kapangyarihang makapagpapahinto at tatapos sa pandemyang ito,” dagdag paliwanag pa ni Governor Fernando.