Greenwater technology itinuturo sa mga small-scale fishpond operators ng Bulacan
Mon Lazaro June 7, 2023 at 03:30 PM
Isang Fishfarmers’ Field School (FFS) on Improved Brackishwater Polyculture System using Greenwater Technology (GWT) ang kasalukuyang itinuturo sa 55 na small-scale fishpond operators sa mga bayan ng Paombong at Calumpit.
Ayon kay Ma. Gloria Carillo, provincial agriculturist ng Bulacan, ang nasabing pagtuturo ng GWT sa mga maliliit na mamalaisdaan ay sa pagtataguyod ng Provincial Agriculture Office ng Bulacan, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Central Luzon at mga municipal agriculture office sa mga nasabing bayan.
Ayon kay Carillo ang pagsasanay ay sinimulan nitong nakaraang buwan ng Marso at inaasahang matatapos sa darating na buwan ng Hulyo.
Aniya, ang pagsasanay para sa nasabing teknolohiya sa pamamalaisdaan ay isang season-long training na may 16 na sesyon kung saan sa pamamagitan ng mga aktuwal na pagsasanay ay maipapakita ang mga tamang pamamaraan at teknolohiya sa pamamalaisdaan.
Ipinaliwanag pa ni Carillo na layunin ng FFS na mapataas ang produksyon ng aquaculture sa lalawigan at mapalaganap ang maka-kalikasang pag-aalaga ng hipon at isda (bangus at tilapia) sa pamamagitan ng GWT na siyang magsisilbing panlaban sa mga sakit ng hipon, bukod pa sa benepisyong dulot nito sa palaisdaan tulad ng pagpapanatili ng maraming natural na pagkain at mataas na lebel ng oxygen sa palaisdaan.
Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapaberde ng tubig gamit ang tamang dami ng abono at paghuhulog ng isda (tilapia o bangus) kasama ng mga hipon.
Ang mga fisheries technologist ng BFAR at PAO ang mga resource persons o tagapagsanay sa lecture at hands-on activities ng FFS.
Photo: BFAR