Guiguinto Mobile Legend Tournament, sinimulan na!
Jessa Fajardo June 26, 2021 at 04:01 PMNakakakaba na nakakaexcite daw ang bawat segundo sa paglalaro ng Mobile Legends: Bang Bang o mas kilala sa tawag na ML. Isang mali o tamang galaw mo lang daw kasi, maaari ka nang matalo o manalo.
Ganito raw ang laging nararamdaman ng bente-tres anyos na si Rhoy Hernandez tuwing naglalaro siya ng ML. Kaya naman talagang nakatutok daw ang puso’t isipan niya habang naglalaro para hindi bumaba ang kanyang ranggo.
“Overwhelming ang paglalaro ko ng ML. Lalo na ngayon na nagkaroon ng pandemic. Nagstay lang tayo at home. So, safe na, tapos nagagawa ko pa yung passion ko sa paglalaro,” paliwanag ni Rhoy.
Sa loob daw ng isang araw, mga pito hanggang sampung oras siya naglalaro. Aniya, naging malaking parte na raw ng buhay niya ang paglalaro ng ML simula pa noong 2017.
“Naging norm na ito sa akin since naging part na rin ako ng esports,” kuwento ni Rhoy sa Arkipelago News.
Kaya naman noong naglunsad ng Mobile Legends Tournament ang munisipalidad ng Guiguinto, hindi na raw siya nagdalawang-isip pang sumali.
“Gusto kong mapatunayan na Tuktukan is on top! Since ito ang barangay na nirerepresent namin,” aniya.
Nagsimula raw ang Atty. Agatha Cruz Esport Guiguinto ML Tournament noong June 14. Mga kabataang edad 15 pataas na taga-Guiguinto ang inimbitahang makilahok. Bumuo ng kanya-kanyang grupo ang mga manlalaro mula sa iba’t ibang barangay.
Dahil isang mobile game ang ML, online lang ang kompetisyon.
Ayon kay Crestian Cabatay, staff ng pamahalaang bayan ng Guiguinto na naka-assign sa torneo, si Municipal Administrator Atty. Agatha Cruz daw ang nakaisip na magpalaro ng ML. Nais daw niyang magkaroon ng makabuluhang aktibidad ang mga kabataan ngayon sa kabila ng pandemya.
“Naisip ni Atty. Cruz na dapat magkaroon ng pagkakaabalahan ang mga kabataang Guiguintenyo. Ang ML Tournament ay isang magandang motivation sa mga kabataan na manatili sa bahay at mailabas ang kanilang galing sa larangan ng esports,” paliwanag ni Crestian.
Ang ML ang isa sa pinakasikat na mobile games sa bansa. Dinevelop ito ng Shanghai Moonton Technology na isang video game developer na nakabase sa Kuala Lumpur, Malaysia. Noong July 2016 opisyal na inilunsad ang nasabing laro.
Isang multiplayer online battle arena ang ML. Ibig sabihin nito, may dalawang grupong naglalaban sa bawat laro. Kailangan nilang magpagalingan ng istratehiya para hindi matalo at para maprotektahan ang kanilang kampo.
Maaaring laruin ang ML sa iOS o Android devices. Madali at libre lang itong idownload kaya naman mabilis itong sumikat sa buong mundo.
Sa katunayan, noong unang taon na inilabas ang ML, limang daang milyong beses na agad itong naidownload at may pitumpu’t limang milyong active na manlalaro.
Bata, matanda, lalaki man o babae, aminadong sabik na sabik sa paglalaro ng ML. Hindi lang daw kasi ito nagsisilbing libangan, kundi paraan din daw ito upang mas mahasa ang talas ng isip at galing sa pagbuo ng istratehiya. Nakakatulong din daw ito sa pagkakaroon ng mga bagong kaibigan.
“Relationship builder ito. Marami na akong nakasama sa esports, mostly tropa ko pero may ibang mga bagong kakilala. Tapos nag-stay kami sa iisang bootcamp,” dagdag ni Rhoy.
Sa Pilipinas, meron pa itong sariling esports league na tinatawag na MLBB Professional League. Ang esports ay isang kompetisyon kung saan ang mga kalahok ay nagpapagalingan sa iba’t ibang video games.
Ang Philippine Esports Organization (PeSO) ang grupong nangangasiwa sa mga kompetisyong may kinalaman sa esports. Miyembro ang PeSO ng International Esports Federation at Philippine Olympic Committee.
Nito lamang January 24, nagkampeon ang Filipino esports team na Bren Esports sa Mobile Legends: Bang Bang M2 World Championship.
Isa lamang daw itong patunay na unti-unting sumisikat ang ML sa buong bansa bilang isang sporting event.
“Sobrang magandang opportunity ito. Hindi lang gaanong nabibigyan ng spotlight ang Pilipinas pgdating sa esports. Pero since kasama na siya sa Sea Games, sana magtuloy-tuloy na,” paliwanag ni Rhoy.
Paglilinaw ni Crestian, nais daw ng Pamahalaang Bayan ng Guiguinto na mas linangin pa ang kahuyasan ng mga kabataan sa pglalaro ng ML.
“Ang Guiguinto ML Tournament ay magandang paraan para makahubog ng mga manlalaro na maaaring ipanlaban sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa,” aniya.
Matatapos daw ang nasabing paligsahan sa Agosto. Makakapag-uwi ang kampeon ng limampung libong piso, tropeyo, at medalya. Bibigyan naman ng computer set at scholarship grant ang barangay kung saan manggagaling ang kampeon.
Makakatanggap naman ng dalawampung libong piso ang mananalo ng 1st runner up at sampung libong piso ang makakakuha ng 2nd place.
Suportado ng Pamahalaang Bayan ng Guiguinto ang Guiguinto ML Tournament katuwang ang Smart Communications at Tabang Triskelion.
Photo courtesy of Atty. Agay Cruz FB Page, Rhoy Hernandez, at Moontoon.