| Contact Us

Hawahan ng COVID-19 sa Bulacan, malaki ang ibinaba

Andres Bonifacio Jr. September 14, 2021 at 12:55 PM

Malolos – Kinakitaan ng pagbagal ng hawahan sa COVID-19 ang probinsya ng Bulacan nitong nakaraang linggo.

Ito ang naging pahayag ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa kaniyang pagbisita sa kaaayos na Pamarawan Hospital, Bulacan Medical Center, nitong nakaraang Biyernes, September 10, 2021 kung saan ay nagbahagi rin ang gobernador ng nasa 1,200 ‘ayuda pack’ sa mga residente ng Pamarawan.

Matatandaan na sa ulat ng OCTA Research, noong August 26, nalagay sa critical level ang mga intensive care unit (ICU) sa Bulacan kung saan tumaas sa 18% ang bilang ng mga nagka COVID-19 habang ang ICU occupancy rate ay nasa 90%.

Ayon pa kay Fernando, bukod sa nananatiling halos zero case ang mga bayan ng Paombong at Hagonoy, kapansin pansin din ng araw na iyon ang mababang bilang ng active cases ng probinsya na nasa 3,617 na lamang. Mababa ng 893 sa 4,510 naitala noong September 3.

Bumaba rin ang naitalang mga nangamatay dahil sa virus na nasa 57 lang kumpara sa madalas maglaro sa 70 hanggang 90 sa loob ng isang linggo.

Ipinagmalaki rin ni Fernando sa kaniyang talumpati na bagama’t nasa 3,000 ang populasyon ng baranggay Pamarawan, mayroon lamang 14 positive caseang isla.

Pinaalalahanan din ng gobernador na patuloy na maging maingat, mahigpit na sundin ang mga health protocol para manatiling ligtas sa COVID-19 at magdasal ng taimtim para matapos na ang pandemya.

Umiiral sa kasalukuyan ang modified enhanced community quarantine o MECQ sa buong probinsya ng Bulacan hanggang September 30.

Photo courtesy of Gov. Daniel Fernando Fb Page

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last