House Speaker Romualdez pinangunahang muli ang inspeksyon sa 3 ricemill at 1 bodega sa Bulacan
Mon Lazaro August 31, 2023 at 03:50 PM
GOLDEN CITY BUSINESS PARK, Bocaue, Bulacan — Pinangunahan muli ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang inspeksyon sa mga bodega ng bigas sa Bulacan nitong araw ng Miyerkules (Agosto 30).
Kasama ni Romualdez sa nasabing inspeksyon sina Act-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, Rep. Mark Enverga, Bulacan 5th District Rep. Ambrosio Cruz, mga opisyales ng Bureau of Customs at Philippine Coast Guard para alamin kung may nagaganap na rice hoarding sa mga nasabing establisyemento.
Ayon kay Congressman Cruz, ang inspeksyon na pinangunahan ni House Speaker Romualdez, “is to emphasize that the Speaker is dead serious in trying to convince all players in the rice industry that we are all out in trying to curb hoarding to avoid price spike at the same time find out the necessary interventions by other agencies to help the traders and the farmers as well.”
Ang mga ito ay kinabibilangan ng Gold Rush Ricemill at isang bodega na pinamamahalaan ng isang Andrews Mijares sa Intercity Industrial Estate sa barangay ng San Juan sa bayan ng Balagtas.
Kasama rin ang JJS Ricemill na pinamamahalaan ng isang nagngangalang Alma Esteban at ang isa pang sangay ng Gold Rush Ricemill saGolden City Business Park sa Barangay Wakas sa bayan ng Bocaue.
Ayon kay Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service, pansamantalang ipinasara ang naturang mga establisyemento matapos na mabigong makapagpakita ng orihinal na dokumento ng rice importation permit ang mga ito.
Sinabi pa ni Enciso na kailangan muna nilang maipakita ang mga orihinal na dokumento na hinihingi ng kanilang ahensya para mavalidate ito na hindi sangkot sa katiwalian. Kung malinis naman ang kanilang mga dokumento ay muli silang papayagan na mag-operate.
Samantala, ang tatlong rice mill na nauna nang naipasara sa Intercity Industrial Estate noong Agosto 24 ay nananatili pa ring nakasarado dahil hindi pa rin nakakapagsumite ng mga kaukulang dokumento ang mga may-ari nito, dagdag pa ni Enciso.
Photo: Mon Lazaro