Huling hirit sa tag-init? Posible ‘yan dito sa Bulacan!
Ian Lopez June 1, 2021 at 11:08 AMKasalukuyang nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine ang NCR Plus kung saan kasama ang lalawigan ng Bulacan. Pero kung noong nakaraan ay may kaakibat na “with heightened restrictions” ang ipinatutupad, ngayong June 1 hanggang 15 ay GCQ with restrictions na lamang. Ibig sabihin kahit papaano’y mas maluwag ngayon ang pinaiiral na GCQ sa loob ng bubble.
Bunsod nito, abala nang muli ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ng lalawigan upang ihanda ang posibilidad na pagpasok muli ng mga turista mula NCR, Laguna, Cavite at Rizal. Umaasa ang tanggapan na sa unti-unting pagbubukas ng iba pang mga establisyimento ay makatutulong ito upang kahit paano ay makabawi ang mga nagnenegosyo. Sa kanilang datos, nasa halos dalawang bilyong piso ang nalugi sa sektor ng turismo sa lalawigan mula nang mag-umpisa ang lockdown.
Kaya naman ngayon, halos kalahati na nga sa kabuuang bilang ng mga resort sa buong Bulacan ang pinapayagan na magbukas muli o nasa mahigit 140.
Sa mga nagnanais na humabol pa sa summer, hindi pa huli para makapagtampisaw. Paalala lamang na mahigpit pa ring ipinatutupad ang health and safety protocols kung kaya’t 30% operating capacity ang paiiralin.
Maari nyo ring bisitahin ang mga Facebook page ng gusto nyong puntahang resort para magpareserba.
Photo courtesy of La Florentina, Klir Waterpark, at Pacific Waves