| Contact Us

Ika-125 taon na pagbubukas ng Kongreso ng Malolos ginunita

Mon Lazaro September 16, 2023 at 12:11 PM

LUNGSOD NG MALOLOS — Ginunita nitong araw ng Biyernes (ika-15 ng Setyembre) ang ika-125 na pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito.

Ang nasabing okasyon ay may temang “Kongreso ng Malolos: Saligan sa pagsulong ng nagbabagong panahon” kung saan naging panauhing pandangal si Sen. Loren Legarda, President Pro tempore ng Senado.

Sa kanyang talumpati, binigyang diin ng senadora ang pagpapahalaga sa kasaysayan, sining, at kultura ng ating bansa tulad na lamang ng pagkakatatag ng Kongreso ng Malolos.

“Ang araw na ito ay mahalagang paalala na ang kalayaan ay hindi lamang handog mula sa nakaraan, kung hindi isang responsibilidad natin na dapat pagyamanin at ingatan,” paliwanag ni Legarda.

Inilahad din ng senadora ang kanyang mga proyekto bilang tagapangulo ng Kultura at Sining.

Nag-iwan din siya ng hamon sa mga alkalde ng mga lungsod at munisipalidad sa Bulacan na magkaroon ng cultural mapping upang ikintal sa mga tao ang kahalagahan ng kasaysayan at kultura ng ating bansa.

Samantala, binigyang diin naman ni Abgdo. Christian Natividad, Punong Lungsod ng Malolos, ang halaga ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos at esensya ng pagdiriwang nito sa kasalukuyan.

Ipinaliwanag pa ni Natividad kung ano ang naging pagbabago hindi lamang sa Lungsod ng Malolos, kundi maging sa buong bansa nang maganap ang makasaysayang pangyayaring ito sa estado ng mga Pilipino sa kung paano irerepresenta at taas noong ihaharap ang mga sarili sa mundo.

Ang Kongreso ng Malolos ay binuo para likhain ang unang konstitusyon ng Pilipinas na pinangunahan ni Pedro Paterno, ito ay para igiit at pagtibayin ang hayag ng mga Pilipino sa sariling pamamahala at pagiging isang opisyal na republika mula sa pagiging kolonya ng mga Amerikano.

Ang Kongreso ay binubuo ng mga delegado sa Pilipinas na parehas inihalal at itinalaga ng kani-kanilang probinsiya.

Nakiisa rin sa paggunita sina Bise Gob. Alex Castro, Bokal Allan Andan, Bokal Romina Fermin, Cong. Danny Domingo, NHC Chairman Dr. Emmanuel Calairo, Bishop Dennis Villarojo, Rev. Domingo Salonga, ilang mga alkalde mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad ng Bulacan, mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, at mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Malolos.

Photo: Mon Lazaro, Malolos PIO

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last