Ika-161 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Mariano Ponce ginunita sa Baliwag
Mon Lazaro March 23, 2024 at 11:35 AM
BALIWAG, Bulacan — Ginunita nitong araw ng Biyernes (March 22) ang ika-161 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Mariano Ponce sa kanyang museo sa lungsod na ito.
Isinagawa ang paggunita ng kaarawan sa NHCP Museo ni Mariano Ponce na nasa bakuran ng mga tahanan ng pamilya Ponce na matatagpuan sa M. Ponce Street sa Baliwag.
Pinangunahan ni Kgg. Maria Bernardita J. Santos, Hukom, Sangay 35, Panrehiyong Hukuman sa Paglilitis, Manila at Dangal ng Lipi 2003 Awardee, ang pag-aalay ng bulaklak bilang panauhing pandangal.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Eliseo dela Cruz, hepe ng Panlalawigang Tanggapan ng Kasaysayan, Sining, Kultura, at Turismo, na binigyan din ng pagkilala at pagpapahalaga si Ponce, na isang ang dakilang anak ng Baliwag, sa bisperas ng kaniyang kapanganakan nitong nakaraang araw ng Huwebes sa Mariano Ponce National High School (MPNHS), ang paaralang ipinangalan sa kaniya sa Lungsod ng Baliwag.
Ang pagkilala ay sinimulan sa paghahawi ng tabing ng Panandang Pang-alaala sa busto ni Ponce.
Pagkatapos nito ay binuksan ang SINEliksik Bulacan Research Hub sa MPNHS kung saan ipinaliwanag ni dela Cruz ang programa.
Tinalakay naman ni Ericson Jose Dublas, curator ng Museo ni Mariano Ponce, ang isang eksibit tungkol kay Ponce na pinamagatang “Hintuan: Itineraries of Mariano Ponce”.
Ang eksibit na ito ay ipinagkaloob ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas-Museo ni Mariano Ponce at magsisilbing permanent exhibit upang mas makilala ng mga mag-aaral ng MPNHS ang buhay at kabayanihan ng pambansang bayani.
Ipinalabas din at tinalakay ni direktor at mananaliksik Enrique F. Dela Cruz ang documentary film na “Sa Mga Mata ni Tikbalang” na nagsasalaysay sa kabayanihan ni Mariano Ponce.
Ang pelikulang ito ay naging finalist sa SINEliksik Bulacan DocuFest 2019 na may temang “Bayani ng Kanyang Panahon, Inspirasyon Natin Ngayon!”.
📷: Panlalawigang Tanggapan ng Kasaysayan, Sining, Kultura, at Turismo ng Bulacan