Imported na bigas dumating na sa Bulacan
Mon Lazaro August 14, 2023 at 11:14 AMBOCAUE, Bulacan — Tinatayang aabot sa dalawang milyong sako ng bigas na inangkat mula sa ibang bansa ang dumating na sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ang kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ng ilang mga magbibigas sa Intercity Industrial Estate at Golden City Business Park, na kilala bilang dalawa sa mga major rice trading centers sa Luzon.
Ang pagdating ng mga inangkat na bigas ay natapat sa katindihan ng “rice lean months” ngayong buwan ng Agosto kung saan ang presyo ng palay ay umabot na sa halagang P33.00 – P34.50 kada kilo kumpara sa P20 kada kilo nitong nagdaang buwan ng Marso taong kasalukuyan, dahilan para tumaas ang presyo ng bigas.
Ipinaliwanag ng mga magbibigas na sa kasalukuyang presyo ng palay, pangkaraniwan na ang magiging production cost nito kada kilo ay nagkakahalaga mula P50.60 – P52.13 kada kilo bukod pa dito ang ipapatong na mark-up price ng wholesalers at retailers.
Sinabi naman ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers Cooperative, na ang dalawang milyong sako ng bigas ay katumbas ang volume nito na 100,000 metriko tonelada (MT).
Aniya, ang halaga nito ay nasa P2,400 kada Saka o P48 kada kilo kung saan ang magiging retail price nito sa lokal na merkado ay magkakahalaga ng mula P55 hanggang P60.
Binanggit pa niya na, “If the [Department of Agriculture] reported August 1 stock level of 39 days is correct, then our deficit between August and September will be 21 days equivalent or about 750,000 MTs.”
Photo: Mon Lazaro