Inspeksyon sa mga gasolinahan sa Angat isinagawa ng pulisya
Angelo Calixtro March 9, 2026 at 06:14 PM
ANGAT, Bulacan — Nagsagawa ng inspeksyon ang pulisya ng Angat sa mga gasolinahan para matiyak na may sapat na suplay ng gasolina at maiwasan ang anumang posibleng hoarding.
Ayon sa Angat Police, layunin ng hakbang na masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng produktong petrolyo para sa mga residente at maiwasan ang pananamantala sa gitna ng pangangailangan ng publiko.
Sa isinagawang pag-iinspeksyon, sinuri ng mga awtoridad ang imbentaryo ng mga gasolinahan at tiningnan kung sumusunod ang mga ito sa umiiral na regulasyon ng pamahalaan.
Sinabi ng pulisya na bahagi ito ng kanilang patuloy na monitoring at koordinasyon sa mga lokal na establisyemento upang mapanatili ang kaayusan at kapanatagan sa komunidad.
Pinayuhan din ang mga may-ari at operator ng mga gasolinahan na tiyaking may sapat na suplay para sa publiko at patuloy na sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.
Nagpaalala naman ang pulisya na magsasagawa sila ng kaukulang aksyon laban sa sinumang mapatutunayang lalabag sa batas, kabilang ang mga sangkot sa hoarding ng produktong petrolyo.
📷 Pulisya ng Angat FB