Ipo at Bustos Dam nagpakawala ng tubig, mga naninirahan malapit sa kailugan pinag-iingat
Mon Lazaro January 28, 2023 at 01:30 AMLUNGSOD NG MALOLOS — Dahil sa malakas na pabugso-bugsong buhos ng ulan, nagpakawala ng tubig ang Ipo at Bustos Dam nitong araw ng Huwebes.
Sinabi sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Francisco Clara, hepe ng water control and coordinating unit ng Bustos Dam, na ang pagpapakawala ng tubig mula sa dalawang dam ay nagresulta sa pagpapalabas ng tubig sa Bustos Dam ng mahigit sa 700 cubic meter per second (CMS) ng tubig simula alas 4:00 ng hapon.
Pinaaalalahanan din ni Clara ang mga naninirahan sa mababang lugar, partikular sa malapit sa Angat River System sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy sa posibleng pagtaas ng tubig sa mga kailugan.
Base sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, ang level ng tubig sa Angat, Ipo at Bustos Dam nitong alas 4:00 ng hapon ng Huwebes ay nasa 183.48 metro; 101.37 metro at 17.44 metro ayon sa pagkasunod-sunod.
Ang tubig sa Angat Dam ay tumaas ng 3.48 metro mula sa minimum operating level nito na 180 metro pero mababa pa ng 28.52 metro sa normal high water level nito na 212 metro.
Nasa 101 metro naman ang spilling level ng Ipo Dam pero nitong alas 4:00 ng hapon ng Huwebes ay nagpapatapon ito ng 89.10 CMS ng tubig at ang overflow nito ay nagpapalabas ng 23.23 CMS para sa kabuuang patapon ng tubig na 112.33 CMS.
Dahil dito, tinatayang aabot sa 700 CMS ang babagtas na tubig patungo sa Bustos Dam.
Ang water level naman ng Bustos Dam nitong alas 4:00 ng hapon ay nasa 17.44 metro at dahil sa dami ng tubig na nangggaling sa Ipo Dam at local flow ng kailugan sa itaas ng Bustos Dam ay itinaas ang Sluice Gates 1 at 2 nito ng tatlong metro, ang Sluice Gate 3 naman ay itinaas sa dalawang metro at ang Rubber Gate No. 3 ay ibinaba.
Ang Sluice Gates 1 at 2 ay nagpapakawala ng kabuuang 156 CMS, ang Sluice Gate 3 nasa 56 CMS at ang deflated Rubber Gate No. 3 ay nagpapakawala ng 525 CMS para sa kabuuang 737 CMS pababa sa mga kailugan ng San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy patungo sa Manila Bay.
Photo: Mon Lazaro