Isang linggong selebrasyon ng Singkaban Festival ng Bulacan sinimulan na
Mon Lazaro September 8, 2023 at 06:04 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan na ngayong araw ng Biyernes ang isang linggong selebrasyon ng Singkaban Festival ng lalawigan.
Ayon kay Bulacan Gob. Daniel Fernando, “Ang Singkaban Festival ay isang panahon kung saan tayo ay nagsasama-sama upang parangalan ang ating mayamang pamana na ipinasa sa mga henerasyon. Ang mga makukulay na parada, masiglang pagtatanghal, at magagandang palabas ay patunay ng pagkamalikhain at kasiningan nating mga Bulakenyo. Ang pagdiriwang na ito ay isang paalala na ang ating mga tradisyon ay buhay at umuunlad, at patuloy itong nagdudulot ng kagalakan at inspirasyon sa lahat ng nakasaksi nito.”
Ang Isang linggong selebrasyon ay sinimulan ng parada ng karosa sa ganap ng 7:00 ng umaga magmula sa Katedral ng Malolos hanggang sa Kapitolyo ng lalawigan sa lungsod na ito.
Nilahukan ito ng higit sa 20 karosa, mula sa 11 munisipalidad ng lalawigan na mayroong naggagandahang palamuti at detalyadong disenyo ng ‘karosa’ na lulan ang mga kalahok na suot ang makukulay na kasuotan, tradisyunal na musika at nagpapakita ng mga simbolo ng kultura at relihiyon sa bawat munisipalidad.
Ang Singkaban Festival 2023 ay may temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana” at ipapakita ang kahusayan ng mga Bulakenyo sa pagiging malikhain ng mga ito sa pamamagitan ng ibat-ibang cultural presentations, street dancing, at art exhibits.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng Singkaban ng Bayan: Singkaban arc making competition at Bulacan Travelmart nagaganapin sa Mini Forest ng Kapitolyo; Bulacan cultural costume competition na idaraos sa Hiyas ng Bulacan Museum/Robinsons Place Malolos; Tatak Singkaban Trade Fair sa harapan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office; at ang BELLEZA The Interplay of Aesthetic Sense kung saan itatanghal ang mga Art Works of Lumina Art Group sa Guillermo Tolentino Exhibit Hall.