Isang pamilya sa Biñan, Laguna pinatay diumano ng sariling ama
Cristine Cabanizas June 16, 2021 at 07:22 PMKarumal-dumal ang sinapit ng isang pamilya sa Barangay Canlalay, Biñan Laguna. Bangkay na nang matagpuan ang apat na miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang batang edad pito at isang taong gulang, ina na si Jolly Espinas, 41 at ang kanilang ama na si Johnny Martinez, 46 taong gulang.
Isang saksi na nagngangalang Melissa Loza ang unang nakadiskubre ng malagim na pangyayari sa buong pamilya. Sa inisyal na imbestigasyon ng Biñan City Police District, nagtamo ng malalang pinsala sa ulo ang ina at ang sanggol na maaaring nagresulta raw sa kanilang pagkamatay.
Ayon pa sa pulisya, binusalan ang bibig ng dalawang bata gamit ang facemask. Habang ang kanilang tatay naman ay duguan ang kamay at natagpuang nakabigti sa hagdanan gamit ang Nylon Strat.
Malakas ang paniniwala ng Biñan City Police na pinatay muna ng ama ang kanyang pamilya bago siya nagdesisyon na wakasan ang sarili niyang buhay.
Nakita sa pinangyarihan ng krimen ang isang martilyo na puno ng dugo at pinaniniwalaang ginamit umano ni Martinez sa pagpatay sa kanyang asawa at dalawang anak.
Ayon sa mga kapitbahay ng nasawing pamilya, narinig daw nilang nagtatalo ang mag-asawa dahil sa pinansyal na problema. Ilang buwan na raw walang pinagkakakitaan ang padre de pamilya matapos matanggal sa trabaho niya sa St. Rose Transit. Tanging maliit na tindahan lamang daw ang pinagkukunan ng pamilya para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari at tinitingnan ng pulisya ang ilan sa maaari pang anggulo ng krimen.
Photo courtesy of Mary Mitra Dela Cruz