Jeepney operators at drivers ng Bulacan nanawagan para sa fuel subsidy
Mon Lazaro August 17, 2023 at 10:31 AMLUNGSOD NG MALOLOS– Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, nanawagan ang mga jeepney drayber at operators sa Bulacan para sa fuel subsidy ng gobyerno para sa mga namamasada ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Ato Ignacio, tagapangulo ng Bulacan Federation of Jeepney Drivers and Operators Association, marami sa kanilang kasamahan ang walang natatanggap na fuel subsidy mula sa gobyerno na pinadadaan sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board sa pamamagitan ng Tawid Pasada Card.
Ang problema aniya, marami sa kanila ang hindi nabigyan ng nasabing card lalo na kung ang jeepney na gamit nila ay nabili nila na segunda mano at ang nasabing card ay nakapangalan sa unang nagmamay-ari ng sasakyan.
Ipinaliwanag pa ni Ignacio na dahil sa patuloy na pagtaas ng krudo, ang pangkaraniwan nilang kita dati sa isang araw na umaabot mula P1,000 hanggang P1,500 ay nasa P200 hanggang P400 na lamang ngayon.
Kaya nananawagan si Ignacio sa gobyerno na busisiin kung sino-sino at kung lehitimong drayber o jeepney operator ang mga nagmamay-ari ng Tawid Pasada Card na inisyu ng LTFRB para mapakinabangan ng mga namamasada ng pampublikong sasakyan ang sinasabing fuel subsidy.
Ayon naman kay Ferdie Santos, tagapangulo ng Baliwag-San Miguel Jeepney Operator and Drivers Association, dati-rati mayroon silang mahigit na 100 miyembro sa kanilang samahan, ngunit nang pumasok ang pandemya at sa sunod-sunod na pagtaas ng krudo, ang kanilang aktibong miyembro ay nasa 20 na lamang. Marami sa kanilang miyembro ay naghanap na lamang ng ibang mapapasukan dahil sa lumiliit nilang kita sa pamamasada.
Aniya, marami ang namasukan na lamang bilang truck o family driver.
Photo: Jacob Roxas