Kaarawan ni Mayor Jonjon Villanueva, ipinagdiwang kasama ang mga Bocaueño
Paulo Gaborni March 24, 2026 at 08:08 PM
BOCAUE, Bulacan — Ipinagdiwang ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva ang kanyang kaarawan ngayong Marso 24, kasama ang 320 Bocaueño na kabirthday niya.
Taun-taon, isinasagawa ng punong bayan ang ganitong tradisyon bilang pasasalamat at pagbabahagi ng biyaya sa kanyang mga kababayan.
“Mas nagiging makabuluhan ang aking kaarawan kapag kasama ang ating mga kababayan. Mas masaya rin ang selebrasyon kung nakakapagbahagi ng tulong. Ito ay tradisyon ng pagkakaisa at pagmamahalan sa bayang Bocaue,” paliwanag ni Villanueva.

Nagkaroon ng masayang salu-salo ang magkakabirthday sa municipal covered court. Nagpasaya rin ang libreng paraffle na may mga premyong washing machine, TV, gas stove, rice cooker, desk fan, electric kettle, at marami pang iba.
Dagdag pa rito, bawat isa sa 320 celebrants ay tumanggap ng financial assistance mula kay Mayor Villanueva.
Dumalo rin sa selebrasyon sina Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna at mga konsehal ng Team Solid Lingkod Bayan na sina Jerome Reyes, Alvin Cotaco, Jam Mendoza, Mira Bautista, at Apen dela Cruz, na nagbigay suporta at pakikiisa sa tradisyon ng pagkakaisa sa Bocaue.
📷 Mayor Jonjon Villanueva FB