Kagawad ng Barangay Poblacion 2 sa Marilao, patay sa pamamaril
Randylyn Laurio March 31, 2023 at 03:44 PMIsang opisyal ng barangay sa Marilao ang binawian ng buhay matapos siyang pagbabarilin nang malapitan sa Barangay Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan noong March 29, dakong 7:30 ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Aldrin Santos o Kagawad Buknoi na kasalukuyang naglilingkod sa Barangay Poblacion II, Marilao, Bulacan.
Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, bigla na lang lumapit ang suspek kay Santos habang nakikipag-usap siya sa kanyang tiyuhin, at binaril siya ng tatlong beses sa katawan.
Inilarawan ang suspek na may suot na helmet, jacket na puti, at itim na shorts. Mabilis din siyang nakatakas sakay ng isang itim na Honda TMX.
Samantala, nag-alay ng pagpupugay ang mga kabarangay ni Santos sa Poblacion Dos bilang pasasalamat sa lahat ng kaniyang mga naitulong at nagawa.
Sa panahon ng kanyang panunungkulan, nagbahagi ng kaalaman si Santos sa kanyang mga nasasakupan tungkol sa tamang proseso ng pagkuha ng driver’s license. Kamakailan lang ay isinagawa niya ang libreng driver’s license renewal assistance sa kanilang lugar para sa mga miyembro ng TODA at mga tsuper ng jeep. Kaya naman ikinalungkot ng kaniyang mga natulungan ang kanyang biglaang pagkawala.
Hustisya ang sigaw ng kanyang mga kaanak, kaibigan, at mga kasama niyang naglilingkod sa barangay.
Patuloy na iniimbistigahan ng pulisya ang pagpaslang kay Santos.
Photo: Mane Santos FB