Kakaibang selebrasyon ng PRIDE month sa San Pedro, Laguna
Jessa Fajardo June 30, 2021 at 10:22 AMTanggap na raw ni Apol Zingapan, isang transgender woman, na may mga taong hindi tanggap ang mga katulad niya. Pero hindi raw siya nagpapaapekto dahil may mga tao naman daw na nagmamahal sa kung sino talaga siya.
“I live my life as normal as everybody else. I don’t complicate things. Some may like you, some may don’t. That’s the way it is,” paliwanag ni Apol.
Aniya, ang pagkakaroon ng masayang buhay na walang sinasaktan o inaapakang iba ang importante sa lahat.
“As long as you’re not stepping in my circle, then we’re good. People may hate me for being me. I don’t care. What doesn’t kill you only makes you stronger,” dagdag pa niya.
Trenta anyos na si Apol na nagtatrabaho sa isang BPO company. Ikinuwento niya sa Arkipelago News na matagal na niyang nakilala ang kanyang sarili. Wala rin daw siyang pinagsisisihan sa desisyon niyang ilabas ang totoong siya.
“As a transgender woman, I have lived my life the way I want to…na walang kahit na katiting na panghuhusga,” paliwanag ni Apol.
Ngunit alam daw niya na hindi lahat ng miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, at queer) community ay malaya sa mapanghusgang mata ng lipunan.
“Nakakalungkot lang dahil hindi lahat same ng sitwasyon as mine. Meron at meron talagang mga case na hanggang ngayon nakakaranas pa rin ng discrimination,” dagdag niya.
Kaya naman isa raw sa kanyang paraan para mas matanggap ng mundo ang LGBTQ community ang pagsali niya sa mga pageant.
Sa katunayan, labing-siyam na taong gulang pa lang daw siya noong nagsimula na siyang rumampa sa entablado at magpakita ng kanyang talento.
Dahil daw dito tila nahasa na ang kanyang galing sa mga ganitong kompetisyon.
Kaya naman noong ginanap ang kauna-unahang Mardi Gras Costume and Talent Competition 2021 sa lungsod ng San Pedro, siya ang nakapag-uwi ng korona.
Ang kumpetisyon ang nagsilbing pagdiriwang ng PRIDE month ng lungsod.
Ipinagdiriwang sa buong mundo ang PRIDE month tuwing Hunyo. Isa raw itong paraan upang maipalaganap ang pagtanggap sa LGBTQ community. Ginagawa rin daw ito upang mas maipahayag nila ang kanilang mga karapatan bilang tao.
Sa San Pedro, ginanap ang nasabing selebrasyon noong June 26-27. Nagkaroon ng iba’t ibang patimpalak tulad ng pagalingan sa paggawa ng sasakyang may disenyo. Nariyan din ang kompetisyon sa Best in Costume at Best in Talent.
Nagmula ang mga kandidata, na miyembro ng LGBTQ community, sa iba’t ibang barangay ng San Pedro.
Ayon kay Apol na nakatira sa Barangay Pacita 1, wala raw siyang plano na sumali sa naturang patimpalak noong una. Marami raw kasi siyang ginagawa sa trabaho. Pero buti na lang at nataon daw sa kanyang rest day ang pageant.
“I wanted to have fun too. I really miss joining pageants since it’s been two years na mula noong natigil ang mga ganitong klaseng events. So for a change, why not give it a shot?,” kuwento ni Apol.
Para sa kanya, maganda at nagkaroon daw ng ganitong klaseng pagdiriwang sa kanilang lugar. Hindi lang daw ito nagsilbing kasiyahan para sa lahat, bagkos pinagbuklod din daw nito ang miyembro ng bawat barangay.
“Finally, every member in the community is recognized. And that every one is equal,” paliwanag ni Apol.
Si Apol ang itinanghal na Queen Madri Gras 2021 Grand Winner. Nakatanggap ang kanyang grupo ng dalawampung libong piso.
Narito naman ang ibang nagwagi sa programa:
Best in Float – Bgy. Sto. Niño
Best in Costume 1st runner up – Bgy. Sto. Niño
Best in Costume 2nd runner up – Bgy. Landayan
Talent Competition Grand Winner – Bgy. Cuyab
Ang nasabing selebrasyon ay suportado ng pahalaang lokal ng San Pedro sa pamumuno ni Mayor Lourdes Cataquiz.
Pinangunahan ito ng San Pedro City LGBTQIA+ Fabuloza Community, City Social Welfare and Development Office, at City Tourism, Culture, and Arts Office. Mahigpit daw na ipinatupad ang IATF protocols sa parada.
Photo courtesy of San Pedro City Laguna Fb