Kampanya para sa plebisito ng Highly Urbanized City ng CSJDM ginawa sa Malolos
Mon Lazaro September 29, 2023 at 02:34 PM
LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan na sa lungsod na ito ang kampanya para sa plebisito na gawing Highly Urbanized City ang lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Base sa inilabas na Resolution 10949 ng Commission on Elections (COMELEC), magaganap ang plebisito sa Oktubre 30, 2023 kasabay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Base sa datos ng Philippine Statistics Office, ang SJDM ay may populasyong 651,813 katao at kabuuang 156,871 pamilya na ika-18 siyudad sa bansa na may malaking populasyon at pinakamalaking government unit sa Bulacan at Central Luzon.
Ipinaliwanag ni San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes na kahit mahihiwalay na ang San Jose Del Monte sa Bulacan sa aspetong politikal, mananatili aniyang mga Bulakenyo ang mga tagarito at bahagi pa rin ito ng heograpiya ng Bulacan.
Idinagdag pa niya na isinusulong nila ang pagiging highly urbanize city ng kanilang lunsod para mapaglingkuran pa ng husto ang lumalaking populasyon nito at para direkta itong mapailalim sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Nangako ang punong lungsod na patuloy na makakatuwang ng Bulacan ang San Jose Del Monte sa iba’t ibang proyekto na makakatulong sa pag-unlad ng 20 bayan at tatlo pang lungsod ng lalawigan.
Photo: Shane Frias Velasco