Kapitan ng Barangay arestado sa operasyon kontra tupada sa Calamba, Laguna
Cristine Cabanizas May 29, 2021 at 07:37 AMImbis na magsilbing ehemplo ang Barangay Chairman sa Barangay Canlubang, Calamba, Laguna, siya pa mismo ang diumano’y pasimuno ng iligal na tupada. Ito ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar tungkol sa naarestong kapitan ng barangay.
Sa isinagawang operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 4-A kontra sa iligal na pagsusugal sa Barangay Canlubang, isa si Barangay Captain Larry Dimayuga sa mga nahuli sa akto kasama ang labing-anim na iba pa.

Nakuha diumano sa kanila ang mahigit dalawang libong piso, dalawang panabong na manok at iba pang mga kagamitan sa pagsasabong.
Nakumpiska rin ang isang 9mm Glock 17 Gen 4 Austria Pistol na napag-alamang walang kaukulang papeles at pagmamay-ari diumano ni Kapitan Dimayuga.
Kaugnay nito, inutusan ni PNP Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar na mas paigtingin pa ang kampanya kontra sa tupada.
Sa inilabas na pahayag ng pulisya inilahad ng PNP Chief ang kanyang pagkadismaya patungkol dito.
“Ang malala pa dito, sangkot ang kapitan ng barangay. Nakakahiya at nakakagalit na imbes na sawayin ay siya pa ang nangunang pasaway sa tupada,” ayon kay General Eleazar.
Dagdag pa niya, “I am also coordinating with the SILG Eduardo Año to give the PNP the clearance to immediately file cases against barangay officials where successful anti-tupada operations would be conducted.”
Sisiguraduhin daw ni PNP Chief Eleazar na pananagutin si Dimayuga at iba pang opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na tupada. Gayundin ang mga miyembro ng pulisya na kinukunsinti ang mga ganitong maling gawain.
Bukod sa iligal na pagsusugal, nilabag din ng mga arestado ang public health safety protocol.
Kabilang ang probinsya ng Laguna sa NCR plus na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Photo courtesy of CIDG IV-A