Kapitolyo ng Bulacan at mga LGU nagsuspinde ng pasok sa eskwelahan at trabaho
Mon Lazaro July 27, 2023 at 04:34 PM
LUNGSOD NG MALOLOS — Sinuspinde ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pasok sa kanilang mga tanggapan maliban sa may kinalaman sa health, calamity responses at basic need services nitong Huwebes ng tanghali.
Ang pagsuspinde sa mga nasabing tanggapan ay dulot ng pabugsu-bugsong ulan na dala ng hanging habagat.
Ang pagsuspindi naman sa mga katulad na tanggapan sa mga munisipyo at lungsod ng lalawigan ay nasa pagpapasiya ng mga punongbayan o punong lunsod.
Ang nasabing kautusan ay nilagdaan ni Bise Gob. Alex Castro na siyang nanunuparang Punong Lalawigan.
Samantala, kinumpirma naman ni Raul Agustin ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, na may mga local government units sa Bulacan ang nagsuspindi din ng pasok sa trabaho sa kanilang mga lugar.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan, San Jose del Monte, at Baliwag; at mga bayan ng Santa Maria, Marilao, Hagonoy, Bustos, San Rafael, Norzagaray, San Ildefonso, Balagtas, Guiguinto, Paombong, Angat, Bocaue, at Calumpit.
Photo: Gov. Daniel Fernando FB