Kasalang Bayan 2024: Pagdiriwang ng Pagmamahalan at Pangarap sa Bocaue
Mike Manalaysay November 22, 2024 at 05:40 PMBOCAUE, BULACAN — Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jonjon Villanueva, matagumpay na naisagawa ang libreng Kasalang Bayan 2024 noong Nobyembre 21 sa municipal covered court ng bayan.
Nilahukan ang seremonya ng 59 na magkasintahang nagpalitan ng kanilang mga sumpaan at 8 senior citizen couples na nag-renew ng kanilang vows matapos ang mahigit 50 taong pagsasama.
Bukod sa libreng kasal, naghanda rin si Mayor Villanueva ng mga espesyal na handog tulad ng masaganang salo-salo, mga regalo, live na awit mula sa isang singer, at iba pang sorpresa para sa mga bagong kasal. Tumulong din sina Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna at mga konsehal ng Team Solid Lingkod Bayan sa pagbibigay ng regalo at suporta sa makulay na okasyon.
Sa kanyang mensahe para sa mga bagong kasal, ibinahagi ni Mayor Villanueva ang limang mahahalagang sangkap para sa masayang pagsasama ng mag-asawa: Bukas na komunikasyon, respeto sa isa’t isa, oras para sa asawa, pagtutulungan sa lahat ng bagay, at pagpapakita ng pagmamahal.
“Huwag kalimutang magpasalamat at ipakita ang pagmamahal araw-araw. Ang mga simpleng salita tulad ng ‘Thanks hon’ o ‘I love you beh’ ay malaking bagay para sa inyong pagsasama,” paliwanag ng alkalde.
Dagdag pa ni Mayor Villanueva, ang Pamahalaang Bayan ng Bocaue ay patuloy na magsusumikap para suportahan ang mga pamilyang Bocaueño sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na nakakatulong sa pagpapalago ng kabuhayan at pagdami ng trabaho.
“Kasama ninyo ang Pamahalaang Bayan ng Bocaue sa pagtupad ng inyong mga pangarap. Sama-sama nating itaguyod ang Solid na Pagmamahalan para sa Solid na Kinabukasan ng ating bayan,” ani Mayor Villanueva.
Masaya namang nagpasalamat ang mga Bocaueñong nagpakasal. Malaking tulong anila ang proyektong ito dahil nakapagpakasal sila ng libre lalo na’t napakamahal ng gagastusin sa wedding. Marami sa kanila ang walang pondo para dito. Ikinatuwa rin nila ang inihandang masarap na pagkain at mga regalo na kanilang natanggap.