Kilusan para sa mga kababaihan, inilunsad sa San Jose Del Monte
Kate Papina March 18, 2023 at 03:18 PMBilang paggunita at pakikiisa sa selebrasyon ng Women’s Month, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte, sa Bulacan ang KLIK o “Kilusan at Lakas ng mga Itinatanging Kababaihan ng San Jose Del Monte Bulacan” noong Huwebes, March 16.
Kasabay nito nagkaroon din ng pagbabasbas ng bagong police patrol vehicle para sa pulisya ng SJDM na magagamit sa nila pagpapatrolya sa lungsod. Isinagawa ang pagbebendisyon sa Amphitheatre, New Government Center, sa Barangay Dulong Bayan.
Ayon kay Congresswoman Rida Robes, layunin ng KLIK na bigyan ng oportunidad ang mga kababaihan sa kanilang bayan lalo na ang mga ilaw ng tahanan na may binubuhay na mga anak. Naniniwala siya na malakas ang mga kababaihan at may kakayahan upang itaguyod ang sariling tahanan.
“Bilang inyong Ate ng Bayan ay aking titiyakin na ang mga kababaihan ay magkakaroon ng pantay na karapatan at oportunidad sa iba’t-ibang aspeto ng buhay tulad ng edukasyon, trabaho at serbisyo publiko upang atin pang mas maitaguyod ang kagalingan at kapakanan, malabanan ang diskriminasyon, pang aabuso, at kawalan ng pagkilala sa karapatan sa lipunan. Mabuhay ang lahat ng Kababaihan!,” pahayag niya.
Tinalakay din sa okasyon ang mga isyung kinakaharap ng mga kakabaihan. Sa pangunguna ni Congresswoman Rida Robes, nagkaroon din ng panunumpa ng katapatan sa kanilang tungkulin sa bayan at kapwa ang mga “Women’s ambassador ng KLIK” na binubuo ng mga namumuno o opisyal sa kanilang bayan. Naganap din ang wall signing at pinning ceremony and commitment.
Photo: Congresswoman Rida Robes FB