Kooperatiba at lokal na negosyo pundasyon sa paglago ng ekonomiya ng Bulacan
Mon Lazaro July 10, 2023 at 11:36 AMAng mga kooperatiba at lokal na negosyo sa lalawigan ng Bulacan ang pundasyon at lifeblood ng pagsasalba ng ekonomiya ng lalawigan.
Ito ang sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa Philippine Federation of Credit Cooperatives (PFCCO) National 11th Annual General Assembly at 2023 Educational Forum na ginanap sa Clark Marriott Hotel sa Pampanga.
Hinikayat rin ng gobernador ang kanyang mga kapwa lingkod-bayan na magpatupad ng maraming batas at polisiya na tunay na tutulong sa mga kooperatiba na makatayo sa kanilang sarili.
“We have to enforce more laws and policies like ease of doing business, strict execution of cooperative tax exemption and privileges, and other support programs, and we have to implement them properly,” paliwanag pa ni Gobernador Fernando.
Nangako rin siya na ipagpapatuloy ang legasiya ng mga Bulakenyong tagapagtaguyod ng kooperatiba na panatilihing naka-ugat ang kooperatibismo sa pagkakaisa at pagtutulungan, at gawin na ang bawat Pilipino ang makikinabang sa pagyabong ng sektor na ito.
“Ang legasiyang iniwan ng ating Father of Cooperation, dating Bulacan Governor Teodoro Sandiko ang siyang nagpaalab sa aking pagpapahalaga sa kooperatiba, gayundin ang adhikain ng dati ring Bulacan Governor Roberto “Obet” Pagdanganan na paigtingin ang kilusang kooperatiba matapos ang EDSA Revolution,” dagdag pa ni Fernando.
Binigyang diin ng gobernador na kilala ang Bulacan bilang Cooperative Capital of the Philippines hindi dahil sa bilang ng kooperatiba sa lalawigan kundi dahil sa kung paanong nakikita at tinutupad ng lalawigan ang mga hangarin nito para sa sektor ng kooperatiba.
Sinabi pa niya na, “Sa kasalukuyan, ang Bulacan ay mayroong 336 registered cooperatives na mayroong kabuuang assets na nagkakahalaga ng P19.85 bilyon. Nasa Bulacan din ang halos lahat ng uri ng kooperatiba maliban sa electric service cooperative. Binubuo ito ng 34 large, 55 medium, 99 small, at 163 micro cooperatives na ating tinututukan.”
Photo: Bulacan PPAO