La Bulakenya Chelsea Manalo, Miss Universe Philippines 2024
Reggie Vizmanos May 27, 2024 at 09:39 PM
Umani ng papuri at pagtatangi ang bagong Miss Universe – Philippines (MUPH) 2024 na si Chelsea Anne Manalo lalo mula sa lalawigan ng Bulacan kung saan siya isinilang at nahubog.
Si Chelsea ay ipinanganak noong Oktubre 14, 1999 sa bayan ng Meycauayan sa naturang probinsiya.
Ang kaniyang ama ay isang African-American. Pilipina naman ang kaniyang ina na si Gng. Contessa Manalo.
Nang namatay ang ama ni Chelsea ay muling nag-asawa ang kaniyang ina. Mabait ang naging stepfather ni Chelsea.
Aminado si Chelsea na mula pa sa kaniyang pagkabata ay dumanas na siya ng pang-bu-bully at pangmamaliit sa kaniya dahil sa kaniyang itsura na maitim ang balat at kulot ang buhok.
Sa kabila nito, si Chelsea ay nanatiling natural na masayahin, positibo ang pananaw sa buhay, mataas ang pangarap, at mahilig na talaga sa mga beauty pageant.
Mahilig din siya sa paglalaro ng basketball, volleyball at badminton.
Music lover din siya at marunong tumugtog ng gitara at ukulele.

Naging aktibong miyembro din si Chelsea ng Kids for Kids advocacy group na nagsusulong ng “safety and empowerment” ng mga bata.
Noong nag-aral siya sa San Isidro San Roque Academy, Inc. (SISRA) ay lumahok siya at nanalo sa pageant doon at hinirang na Miss SISRA.
Kasunod nito ay nagwagi rin siya bilang “Miss MEYCIPRISA” (Meycauayan City Private School Association) at “Miss BULPRISA 2014” (Bulacan Private Schools Association).
Noong 2017 ay lumahok si Chelsea sa Miss World Philippines 2017 pageant kung saan ay napili siyang isa sa 15 semi-finalists.
Napili rin siyang isa mga finalists sa Top Model challenge noong taong iyon.
Sumali rin siya sa Miss Philippines Earth pageant noong 2018 at itinanghal siyang Miss Air Philippines.
Taong 2019 naman ay itinanghal siyang Binibining Bulacan Tourism.

Nagsimulang magtrabaho si Chelsea bilang isang print, ramp, and commercial model noong siya ay 14 anyos.
Habang nagtratrabaho bilang model ay natamo ni Chelsea ang kanyang Bachelor’s Degree sa Tourism Management sa De La Salle Araneta University.
Naging advocate siya para sa education and empowerment ng kabataan lalo ng mga batang babae.
Sumusuporta rin siya sa World Vision Philippines na nagsusulong ng health and education ng mga bata.
Sa simulang bahagi ng Miss Universe Philippines 2024 pageant kung saan ay itinampok ang video production ng pag-promote ng bawat candidate sa local tourism sa kanilang lugar na kinakatawan, marami ang pumuna kung bakit pangunahing ibinandila ni Chelsea ang kontrobersyal na New Manila International Airport (NMIA) o tinatawag na Aerotropolis, na proyekto ng San Miguel Corporation (SMC) sa Bulacan.
Sa video ni Chelsea na tinaguriang “Bulacan – babalik-balikan,” sinabi niyang, “I am Chelsea Manalo, all the way from the future International Airport of the Republic of the Philippines. Soon, Bulacan will not just be a gateway to the North, but the strong catch basin of the Philippine economy. The catalyst of Business and Commerce, Trade and Industry, especially Tourism.”
May mga netizen na nagsabing dahil sa naturang airport project ay pinutol ang mga mangrove trees sa coastal area o pampang ng Barangay Taliptip na siyang lokasyon ng airport. Ipinaliwanag nila na ang mga mangrove trees ang nagsisilbing kanlungan at pugad ng mga isda para sa kanilang pangingitlog o pagpaparami.
Marami ring nagsabi na ang naturang airport ang dahilan ng malalaking pagbaha na nagaganap sa Bulacan.
Giit pa ng iba, daan-daang mga mangingisda at kanilang pamilya ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa NMIA.
Sabi ng isang commenter, “Chelsea Manalo binabaha na kami dahil dyan pino-promote mo pa.”
Giit naman ng isa pang nag-komento, “Can’t believe Ms. Bulacan is promoting Aerotropolis, a project that has destroyed hectares of mangroves and displaced hundreds of fisherfolk families. People lost their livelihoods!”
Pero sa paglipas pa ng mga araw at linggo bago ang mismong pageant coronation ay sumentro ang pagtingin kay Chelsea bilang positibong simbolo ng pagwaksi sa tinatawag na “Eurocentric concept of beauty,” o yung ipinairal at ipinalaganap na nosyon na ang kagandahan ay nakabase sa pagiging “white skinned” o maputi ang balat, blonde o halos katulad nito ang buhok, at ang lahi ay Caucasian o European, Amerikano at mga kauri nila.
Si Chelsea ay itinuring na sumisimbolo sa pagkilala at pagtanggap sa mga “people of color” o mga taong may kulay o medyo maitim ang balat bilang maganda rin.
Tinawag siyang “Living Black Barbie” at “Bulacan Barbie.”
Umabot sa 242,000 likes, 5,500 comments, at 11,000 shares ang kaniyang larawan na naka-post sa Facebook page ng MUPH, habang ang kaniya namang sariling Instagram account ay nagkaroon na ng 48,000 followers.
Sa Question and Answer portion noong gabi ng koronasyon o main event ng pageant, tinanong si Chelsea, “Maganda ka at may tiwala sa sarili. Paano mo gagamitin ang mga katangiang ito para bigyang kapangyarihan ang iba?”
Ang sagot ni Chelsea “As a woman of color, I have always faced challenges in my life. I was told that beauty has standards. But for me, I have listened to always believe in my mother, to always believe in myself, and uphold the vows that I have. Because of these, I am already influencing a lot of women who are facing me right now. As a transformational woman, I have here 52 other delegates with me who have helped me to become the woman I am.”
Ang sagot niyang iyon ay umani ng palakpak at itinuring na “winning answer.”
Ayon sa San Isidro San Roque Academy, Inc. sa post nito sa kanilang FB page, “Congratulations to our very own Isidorian Batch 2015-2016, CHELSEA MANALO for being crowned Miss Universe Philippines 2024! Your grace, intelligence, and beauty have always inspired us, and now the world sees it too. We are incredibly proud of your achievement and excited for your journey ahead. Shine on, Queen!”
Sabi ng netizen na si Leizel Icban, “Congrats Chelsea Manalo, from miss sisra, miss bulprisa, miss meycauayan, miss Bulacan, miss world, basta marami pang iba, at ngayon GRABEH MISS UNIVERSE kana. sobra proud ang buong bulacan sau lalo na ang bayan ng City of Meycauayan Bulacan. Ang Barbie ng bulacan “MISS UNIVERSEPH2024” CHELSEA MANALO.
Pagbati naman ng Provincial Government of Bulacan, “Hail to the New Queen! Ikinararangal ka ng lahing Bulakenyo! Chelsea Anne Manalo, a proudly Bulakenya from City of Meycauayan shines as the newly crowned Miss Universe Philippines 2024.”
Naghayag din ng opisyal na pagbati kay Chelsea ang iba-ibang mga bayan sa Bulacan.
Ipinagbunyi si Chelsea sa kaniyang lalawigan bilang ‘ikinararangal na batang Bulacan.’
📷 Chelsea Manalo IG