Lalaki 4 na beses nailagan ang bala, pinukpok na lang ng baril sa ulo ng suspek
Mon Lazaro October 15, 2023 at 02:55 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nailagan ng apat na beses ng isang lalaki ang pamamaril sa kanya ngunit hindi niya naiwasan ang pagpukpok ng baril sa kanyang ulo ng suspek nitong nakaraang araw ng Huwebes sa bayan ng Paombong.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, ang hindi pinangalanan na suspek ay isang 41 anyos na lalaki na bigla na lang pumasok sa tindahan ng biktima sa Barangay San Isidro 1 sa bayan ng Paombong, Bulacan at apat na beses na pinagbabaril ang bijtima ngunit hindi siya tinamaan hanggang sa mag-jam o hindi pumutok ang baril.
Imbis na tumigil, hinabol pa ng suspek ang biktima hanggang abutan niya at pinukpok ng baril sa ulo na ikinasugat nito.
Maagap naman na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek matapos na makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa nagaganap na pamamaril.
Isinugod naman sa Sacred Heart Hospital ang biktima para magamot ang mga sugat na tinamo niya mula sa pamumukpok ng baril.
Nakuha sa suspek ang isang 9mm kalibre na Rock Island 1911 na baril na mayroong magazine at mga bala. Nahaharap siya sa mga kasong frustrated murder, Violations of RA 10591 o illegal possession of firearm and ammunition at sa Omnibus Election Code o gun ban.
Photo: Bulacan Provincial Police Office