Lalaki inatake sa puso matapos diumanong posasan ng traffic enforcer
Jessa Fajardo July 7, 2021 at 08:43 PMMapagmahal at mabait na ama raw si Angelito Alcantara. Kahit na may sakit na nararamdaman, hindi raw niya ito iniinda. Tila wala rin daw siyang kapaguran dahil patuloy pa rin sa pagtatrabaho para sa kanyang pamilya.
Noong July 1, nasawi ang kuwarenta’y siyete anyos na tindero. Inatake siya sa puso matapos diumanong piliting posasan ng isang traffic enforcer sa Sta. Maria, Bulacan.
Para kay Mark, panganay sa apat na anak ni Angelito, malagim na pangyayari ang sinapit ng kanyang ama.
“Ayaw nilang maniwala na may sakit ang papa ko. Hanggang sa mamatay na siya nang nakaposas. Tsaka na lang nila tinanggal ang posas nung hindi na talaga siya humihinga,” aniya.
Nakapanayam ng Arkipelago News si Mark, at ibinahagi niya sa amin ang pangyayari.
Ayon kay Mark, pauwi na raw sana ang kanyang mga magulang sakay ng kanilang tricycle. Naninirahan sila sa KM 37, Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.
Nanggaling daw ang mag-asawa sa pamilihang bayan ng Sta. Maria, Bulacan para mamili ng mga paninda. Ngunit noong binabagtas na nila ang kalsada sa may Caypombo, dito nangyari ang hindi inaasahan.
“Bigla raw pong may lumusot sa kotse sa kalsada. Kaya napagilid si papa. At doon siya hinuli. Hinanapan daw po siya ng lisensya, eh noong walang maipakita, pinapa-impound na lang ang tricycle,” paliwanag ni Mark.
Pumayag na raw si Angelito na maimpound ang kanyang sasakyan. Ngunit pinilit pa rin daw ng traffic enforcer na kunin ang susi nito. Dito na raw nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
“Hinarang daw po sila ulit para kunin ang susi. Pilit na rin daw pinoposasan si papa. Noong time na yun, napa-upo na ang papa ko. Hirap na pala siyang huminga noon. Pero ayaw nilang maniwala,” paglilinaw ni Mark.
Naisugod pa raw sa ospital si Angelito ngunit idineklara na siyang dead-on-arrival.
“Noong oras na napa-upo ang papa ko, patay na siya. Inatake na siya sa puso eh. At hindi sila naniwala. Sana, hanggang ngayon, may papa pa kaming mayayakap araw-araw kung naniwala at nakinig lang sana sila,” kuwento ni Mark.
Kinilala ang traffic enforcer na si Mario “Bangis” Domingo. Sa ngayon, nakakulong na raw siya sa Sta. Maria Municipal Jail. Nakapagsampa na rin ng kaso ang pamilya ni Mark laban sa enforcer.
“Mabibigyan lang ng hustisya ang papa ko kung habang buhay siyang makukulong. Para ‘di na siya makapaminsala sa ibang tao,” aniya.
Photo courtesy of Bulacan Trending Stories Fb Page