Lalaking may malalang sakit patuloy sa Facebook live selling
Cristine Cabanizas May 10, 2021 at 04:22 PMNapukaw ang atensyon ng maraming tao sa social media dahil sa kakaibang live na online selling. Hindi kasi ito katulad ng nakasanayan nating pagbebenta online. Walang maririnig na malalakas na boses ng tindera. Hindi mabilis ang galaw ng naglalako at wala rin itong nakagigiliw na mga laro.
Tanging isang lalaking nakaupo ang makikita. Hindi makapagsalita at limitado ang paggalaw ng lalaki. Siya si Glenn Evander Bautista, tatlumpung taong gulang at mula sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Sa live video makikitang nakahubad siya ng pang-itaas na damit dahil daw sa sobrang init ng panahon. Umaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang kanyang pagbebenta at isang maliit na bentilador lang daw ang gamit niya para maibsan ang init.
Hindi na nakakapagsalita si Glenn dahil sa kanyang kondisyon. Kapansin-pansin din ang tubo na nakakabit sa kanyang tiyan. Doon daw ipinapadaan ang kanyang pagkain.
Mapapanood sa link na ito ang kanyang Facebook Live online selling: https://www.facebook.com/glennevander.bautista/videos/114207780815017/
Halos hindi na rin niya maigalaw ang kanyang katawan pero pilit pa rin niyang ikinuwento ang kanyang kalagayan sa Arkipelago News sa pamamagitan ng Facebook chat.
Ayon kay Glenn, sampung taon na raw siyang lumalaban sa kanyang kondisyon na Central Pontine Myelinolysis. Ito ay isang neurological disorder na nakakaapekto sa utak ng tao. Ito raw ang dahilan kung bakit tuluyan na siyang hindi makapagsalita at makagalaw nang maayos.
Nagsimula raw ito noong taong 2010 at disinuwebe anyos pa lang daw siya. Kuwento pa ni Glenn, binago raw ng karamdaman ang kanyang pamumuhay at sinira nito ang kanyang mga pangarap. Ang plano niyang pagtatapos ng pag-aaral ay hindi na raw natuloy dahil lumala nang lumala ang kanyang kondisyon. Nagsimula na raw siyang mautal at manigas ang kanyang mga daliri kaya napagdesisyunan niyang tumigil na sa pag-aaral.
“Nako malaki po ma’am ang nagbago sa pamumuhay namin. Yung dating maayos at matiwasay naming buhay, nawala lahat sa ayos. Yung pangarap kong pagsi-seaman, kwento na lang ngayon,” pahayag ni Glenn.
Para may mapagkunan siya ng pangkain at ng pang-araw-araw na pangangailangan, naisipan daw ni Glenn na magbenta online sa pamamagitan ng Facebook Live.
Nag-umpisa raw siya Nobyembre noong isang taon. Ibinebenta niya ang mga vintage na sombrero na nakukuha niya sa iba’t ibang supplier. Umaabot daw ang presyo ng mga ito mula tatlo hanggang walong libo. May kamahalan dahil hindi raw basta-basta nahahanap ang mga ganitong klase ng sumbrero.
Sinusuri niya raw ito nang maigi upang masigurong orihinal at matibay ang kanyang ibinebenta. Sinubukan niya lang daw muna ito at laking gulat niya sa suportang natanggap niya mula sa mga tao.
Pero hindi rin daw naging madali ang naging karanasan niya sa pagbebenta dahil may mga tao pa rin na nanghuhusga at nagdududa sa ginagawa niyang pagbebenta.
“Mahirap, una syempre yung panglalait ng mga viewers. Sasabihan ka ng adik, shabu pa, mine lampin sa bibig, nanglilimos daw. Pangalawa yung mga joyjoy miners… yung ang dami nilang hihingiin na details ng product tapos wala na,” kuwento pa ni Glenn.
Malaki raw ang naitutulong ng live selling kay Glenn hindi lang sa pinansyal na aspeto.
“To be honest, hindi naman kalakihan ang kinikita ko sa live selling. Pero malaki ang naitulong nito sa pakiramdam ko. Kasi dito ako masaya eh. Nalilibang ako,” dagdag pa ni Glenn.
May isang anak si Glenn na walong taong gulang. Kasama raw niya sa bahay ang dalawa niyang kapatid, ang kanyang ina at may sakit din na ama. Sila raw ang inspirasyon niya para magpatuloy sa buhay.
“Pangarap ko na mapalaki nang maayos at mapagtapos ng pag-aaral ang aking anak.”
Mag-isa na lang daw siyang nagtataguyod sa kanyang anak dahil hindi niya kasama ang nanay ng bata. Kaya sa tuwing wala siya sa harap ng kamera para magtinda ay ibinibigay niya raw ang kanyang atensyon sa kanyang nag-iisang anak. Madalas niya raw kakwentuhan ang anak niya at ipinaparamdam niya ang kanyang pag-aalaga sa abot ng kanyang makakaya.
Nagagawa pa raw lumabas ni Glenn dati sa tulong ng kanyang ama pero hindi na raw niya ito magawa mula nang magkasakit din ang kanyang tatay.
“Tatay ko po ang nagpapaligo sa akin before. Ngayon po nanay ko na, Na-stroke po kasi yung tatay ko nung 2018. Simula nung ma-stroke yung tatay ko, hindi na din po ako nakakalabas. Siya lang kasi yung may kakayahang igala ako,” ani Glenn.
Kapag nagtitinda ng live, palagi raw ipinapaalala ni Glenn sa mga taong nakakapanood na hindi siya nagpapaawa o nagpapanggap.
“Hindi po ako nanglilimos mga boss/madam. Ginagawa ko lang po yung bagay na kung saan ako masaya at hindi po porket hindi ako nagpapatulong sa mga kasama ko dito sa bahay, eh ibig sabihin non, pinapabayaan nila ako. Own hustle ko po ito, in tagalog, sariling diskarte,” pahayag ni Glenn sa kanyang Facebook Live.
Hindi raw susuko si Glenn sa kanyang sakit at handa raw siyang lampasan ang anumang pagsubok na dumating sa kanya.
“Hustle hard lang, ang importante lumalaban ako ng patas,” sabi pa ni Glenn.
Labis naman ang pasasalamat ni Glenn sa mga taong naniniwala sa kanya. Sana raw ay huwag silang magsawang magbigay ng suporta sa mga taong katulad niya.
Photo courtesy of Glenn Evander Bautista