Libreng gas para sa mga TODA sa Balagtas sa araw ng mga puso
Angelo Calixtro February 18, 2026 at 11:32 PM
BALAGTAS, Bulacan — Ipinagkaloob ang libreng gasolina sa unang 1,000 Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na makakapag-renew ng kanilang prangkisa bilang pagkilala sa kanilang patuloy na serbisyo sa komunidad nitong ika-14 ng Pebrero sa Balagtas, Bulacan.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Balagtas, ang inisyatiba ay bahagi ng “token of appreciation” para sa mga TODA na araw-araw na bumibiyahe upang magsilbi sa mga residente. Isinagawa ang pamamahagi kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga puso.
Ibinahagi rin na ang pondo para sa libreng gas ay magmumula sa personal na bahagi ng sweldo ng lokal na opisyal bilang simbolo ng pasasalamat sa sipag at dedikasyon ng mga tsuper at operator ng tricycle.
Layunin ng programa na maibsan ang gastusin ng mga TODA, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, at sabay na hikayatin ang maagap na pag-renew ng mga prangkisa.
Nagpasalamat naman ang ilang TODA sa naturang hakbang, na anila’y malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan at patunay ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang mahalagang papel sa bayan.
📷 Mayor Andy “Andrews” Santiago FB