Libreng pap smear, isinagawa sa Sta. Rosa 1, Marilao bilang pakikiisa sa National Women’s Month
Angelo Calixtro March 3, 2026 at 07:01 PM
MARILAO — Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Women’s Month, nagsagawa ng programang “Siguradong Kalusugan” ang Municipal Health Office of Santa Rosa katuwang ang Pamahalaang Barangay ng Barangay Sta. Rosa 1 noong Marso 2 sa Sta. Rosa 1 Barangay Health Station.
Tampok sa naturang aktibidad ang libreng Pap Smear at Cervical Cancer Awareness campaign na naglalayong hikayatin ang mga kababaihan na magpasuri at maging mulat sa kahalagahan ng maagang pagtuklas ng cervical cancer.
Ayon sa Municipal Health Office, mahalaga ang regular na screening upang maagapan ang posibleng paglala ng sakit at mabigyan ng agarang lunas ang mga pasyente.
Sa pamamagitan ng libreng serbisyong ito, mas napalalapit sa komunidad ang maagap at komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng kababaihan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga residente sa patuloy na paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng kababaihan. Patunay umano ito ng aktibong pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at barangay sa pagsusulong ng mas ligtas at malusog na komunidad.
📷 MarileNews