Mabigat na daloy ng trapiko sa NLEX asahan sa susunod na dalawang linggo – NLEX Corp.
Mike Manalaysay March 21, 2025 at 03:54 PM
MARILAO, Bulacan — Pinapayuhan ang mga motorista na dumadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) na maghanda sa mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng northbound lane patungong Marilao, Bulacan sa loob ng susunod na dalawang linggo dahil sa pagsisimula ng pagkukumpuni ng tulay na nabangga ng trak noong Miyerkules.
Ayon sa mga opisyal ng NLEX Corp., sinimulan ang pagkukumpuni sa Marilao interchange bridge noong Huwebes matapos ang masusing pagsusuri sa pinsala. Inaasahan nilang matatapos ang pagsasaayos bago ang Mahal na Araw, panahon na inaasahang dadagsa ang mga biyahero patungo sa mga lalawigan sa North at Central Luzon.
Sa isang pahayag, sinabi ng NLEX Corp. na aabutin ng hindi bababa sa dalawang linggo ang pagkukumpuni ng tulay. Kung magiging maayos ang takbo ng proyekto, matatapos ito isang linggo bago ang inaasahang bugso ng mga biyahero sa Semana Santa, na magaganap mula Abril 13 hanggang 20.
Sa susunod na dalawang linggo, inaasahang magiging matindi ang takbo ng trapiko sa nasabing lugar dahil kailangang isara ang dalawang northbound lane ng expressway para bigyang-daan ang repair. Sinabi rin ng NLEX Corp. na kung posible, magbubukas sila ng zipper lane sa southbound lane.
Nagpost din ang NLEX Corp. ng mga alternatibong ruta para maiwasan ang pagkaipit sa trapiko. Ang mga biyahero na patungong Maynila mula sa Bulacan at Pampanga ay maaaring lumabas sa Bocaue Interchange, dumaan sa MacArthur Highway, at muling pumasok sa NLEX sa Meycauayan. Sa mga papunta naman sa Norte, maaaring lumabas sa Karuhatan, Paso de Blas, o Meycauayan, dumaan sa MacArthur Highway, at muling pumasok sa NLEX sa Ciudad de Victoria sa Bocaue.
Nabangga at nasira ang tulay noong Miyerkules ng hapon, nang tumama ang isang 18-wheel truck na patungong Bataan. Ang trak, na may taas na 4.9 metro at may dalang mga oxygen tank mula sa Metro Manila, ay lumagpas sa 4.2 metrong limitasyon ng vertical clearance ng expressway at bumangga sa tulay.
Ayon kay Col. Eulogio Lamqui III, hepe ng pulisya sa Marilao, hindi gumamit ng tamang lane ang trak para maiwasan ang height restrictions, kaya lumabag ito sa Republic Act No. 8794 (Anti-Overloading Law). Nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng trak at nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
📷 Screenshot from Daev GV FB