Magbibigas sa Bulacan tumigil muna sa pagkuha ng mataas na presyo ng palay
Mon Lazaro August 15, 2023 at 02:36 PMBOCAUE, Bulacan — Karamihan sa mga magbibigas sa Intercity Industrial Estate at Golden City Business Park sa bayan na ito ang pansamantalang tumigil muna sa pamimili ng palay dahil sa tumataas na presyo nito na nagiging dahilan sa pagtaas ng presyo ng bigas sa lokal na merkado.
Ang nasabing industrial estate at business park ay ang dalawa sa pangunahing rice trading centers sa Luzon.
Ipinaliwanag ni Tony Santos, isang rice trader, sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN, ang kasalukuyang presyuhan ng palay ngayon ay bumaba na sa P32 mula sa P34 kada kilo nitong mga nakalipas na araw.
Aniya, dahil sa presyong P34 kada kilo, tumaas ang wholesale price ng bigas sa P2,600 kada 50-kilo sako ng bigas o P52 kada kilo kung saan hindi pa kasama dito ang presyo na ipinapatong ng mga retailers.
Dahil dito, maraming magbibigas ang tumigil muna sa pamimili ng mga palay na nagkakahalaga ng P34 kada kilo para maibsan ang dinadalang pasakit sa tumataas na presyo ng bigas.
Sinabi pa ni Santos na dahil sa tumaas na presyo ng palay, maging ang presyo ng broken grain o durog na bigas ay umabot na ngayon sa wholesale price nito na P2,050 kada 50-kilo sako o P41 kada kilo.
Ayon naman Kay Malou Tolentino, isa ring rice trader, hindi na nila kayang ibenta ang bigas sa ganyang halaga.
Ipinaliwanag pa niya na marami sa kanilang hanay ang takot na makababaan ng presyo ng bigas kapag dumagsa na ang imported rice sa lokal na merkado.
Sinabi pa ni Tolentino na ang mga wala ng bigas na ibebenta ay bibili pa rin ng mataas na presyo ng palay kaya lang risk na nila yon kaya unti-unti na lang ang kuha nila ng palay dahil mahigit na sa P2,600 na ang magiging puhunan sa kada 50-kilo sako ng bigas sa ganyan ka mahal na palay.
Sinegundahan naman ito ni Roderico Sulit, na nagsabi na sa pagtaas ng presyo ng bigas ay halos Hindi na nila ito maibenta.
Dagdag pa ni Sulit, “Malapit na din po ang September may aani na po ng pa isa-isa.”
Photo: Mon Lazaro