Magbibigas sa Bulacan umaayaw na sa palay na nagkakahalaga ng P25 pataas
Mon Lazaro September 4, 2023 at 08:37 AMBOCAUE, Bulacan — Umaayaw na ang mga magbibigas sa Intercity Industrial Estate at Golden City Business Park, mga pangunahing rice trading center sa Luzon, na bumili ng palay na nagkakahalaga ng mataas sa P25 kada kilo.
Ito ay matapos ipalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang Executive Order 39 na nagtatakda ng presyo ng regular milled rice sa halagang P41 kada kilo at ang well milled rice sa halagang P45 kada kilo.
Dahil dito, sinabi sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ng mga ahente ng palay at mga classifiers sa Intercity na ayaw magpakilala, karambolahan ng mga biyahero ng palay mula sa Northern Luzon na ibinalik na lamang nila ang kanilang mga kargang palay sa kanilang mga bodega kaysa maibenta ng palugi at lalaunin na lamang ang mga ito.
Ayon Kay Tony Santos, isang whosale rice trader, bago ipalabas ang EO 39 ng Pangulo, ang bentahan ng clean and dry na bagong ani ng palay ay nasa P32 kada kilo at ang mga palay na ani nitong mga nakaraang buwan ng Marso at Abril ay nasa P34 kada kilo.
Ipinaliwanag ni Santos na sa ganitong halaga, ang production rice cost ng ng P32 kada kilo ng palay ay nagkakahalaga ng P49 kada kilo ng bigas at ang P34 kada kilo ng palay ay magkakaroon ng rice production cost na P52 kada kilo na wala pa ang mga tubo na ipapatong ng mga rice wholesalers at mga rice retailers.
Sinabi pa ni Santos na para maibenta ang mga commercial na bigas sa halagang itinadhana ng EO 39, kailangan ang presyo ng palay ay hindi tataas sa P25 kada kilo.
Sinabi naman ni Rose Dalangin, isa ring wholesale rice trader na, “sobra nga lugi namin kasi nabili namin palay sa P33.50 pa ang isang kilo.”
Isa pang rice trader na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan ay sumang-ayon naman sa sinabi ni Santos.
Dagdag pa niya, “Yan po yata ang kaya lang para po makapagbenta kasi po kung P32 at P33 malaki po ang malulugi.”
Photo: Mon Lazaro