Mahigit 2,400 na emergency tents at P2M TUPAD fund ipinamahagi sa lahat ng bayan sa Bulacan
Kate Papina March 25, 2023 at 11:10 PM
Pinangunahan nina Mayor Jonjon Villanueva at Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagbibigay ng mga emergency and disaster relief tents sa lahat ng munisipalidad at lungsod sa lalawigan ng Bulacan. Ginanap ang distribusyon sa municipal covered court ng Bocaue sa Barangay Igulot bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Mayor Jonjon Villanueva nitong March 24.
Modular o mabilis i-assemble ang mga tent at magagamit ang mga ito sa mga emergency situation at kung may mangyaring kalamidad tulad ng baha at bagyo. Proyekto ito ni Senator Joel Villanueva at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Senator Villanueva, ang proyekto ay bahagi ng kaniyang Disaster Preparedness Program para sa iba’t ibang bayan at siyudad sa lalawigan ng Bulacan. Magagamit ang mga tent bilang pansamantalang tirahan kung sakaling magkaroon ng sakuna lalo na ngayong panahon ng tag-init at mataas ang mga kaso ng sunog.
“Sabi ko nga kay Governor at Vice Gov. dapat ipadasal natin na hindi dapat gamitin ang tent, kasi kapag ginamit ang tent, ibig sabihin may nasunugan, may bagyo, may baha, o kung anumang sakuna. Kaya sana hindi magamit, pero tayo dito sa Bulacan, alam na alam natin, we are proactive leaders. We don’t need to wait for disasters to come here bago tayo mag-react. Kaya tayo nagpupulong kanina, inaanticipate na natin ano ba yung mga maaaring mangyari at kung ano ang dapat nating gawin,” pahayag ng Senador na tubong Bocaue.
Binigyan rin ang iba’t ibang bayan sa Bulacan ng tig-dadalawang milyong piso para ipamahagi sa mga benepisyaryo ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers. Malaki ang naitutulong ng TUPAD para sa mga mamamayang naghihikahos sa buhay.

Dumalo sa pagtitipon sina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, Guiguinto Mayor Agatha Cruz, Pandi Mayor Rico Roque, Baliwag City Mayor Ferdie Estrella, Plaridel Mayor Jocell Vistan, DRT Mayor Ronaldo Flores, City of San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes, Obando Mayor Ding Valeda at iba pang lokal na opisyal.
Photo: Mayor Jonjon Villanueva FB