Mahigit walong milyong pisong halaga ng marijuana winasak ng PNP at PDEA
Mike Manalaysay April 16, 2021 at 10:26 AM
Mahigit 8.6 milyong pisong halaga ng malalaking halaman at pinatuyong marijuana ang nasamsam sa operation ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa inilabas na pahayag ng PNP Public Information Office, ipinatupad ang marijuana eradication operation sa lalawigan ng Kalinga noong April 12-14. Target daw ng operation ang apat na taniman ng marijuana sa Barangay Ngibat, Tinglayan at Kalinga.
Sa unang target area na may lawak na humigit kumulang 500 squre meters, nakakuha raw ang mga operatiba ng limang libong marijuana plant na nagkakahalaga ng isang milyong piso. Nakumpiska rin umano nila ang 400 grams ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang 48,000 pesos ang halaga.
Sa ikalawang taniman na kanilang nilusob, binunot nila ang sampung libong halaman ng marijuana na nakatanim umano sa 1,000 square meters na sukat ng lupa. Dalawang milyong piso umano ang halaga ng nasamsam.

Sa ikatlong barangay, binunot ng mga operatiba ang 8,000 piraso ng halamang marijuana, na nagkakahalaga ng 1.6 million pesos.
Target naman sa ikaapat na lokasyon ang diumano’y 2,000 square meters na taniman ng ipinagbabawal na halaman. Nakakita doon ng 20,000 fully grown o malalaking halaman ng marijuana na nagkakahalaga raw ng apat na milyong piso.
Sa kabuuan, mahigit 8.6 milyong piso ang halaga ng nasamsam na halaman at pinatuyong marijuana ayon sa PNP.
Agad ding sinunog ang mga ito para hindi na mapakinabangan.
“We will continue with the marijuana eradication operations nationwide with the aim of totally ending the illegal cultivation and sale of this plant. Likewise, appropriate court charges awaits against identified weed cultivators,” dagdag pa ni PNP Chief Sinas.
Photo courtesy: PNP-PIO