Malaking bahagi ng pabahay ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, tapos na
Mike Manalaysay February 21, 2024 at 06:25 PMMalaking bahagi na ng itinatayong pabahay para sa mga Bocaueño ang natapos ngayong buwan ng Pebrero, taong 2024.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva Jr., nagawa na ang una hanggang ikatlong palapag ng naturang condominium type housing. Sa kasalukuyan aniya, nasa 4th floor na ang konstruksyon ng pabahay na matatagpuan sa Barangay Batia sa naturang bayan.
Magandang balita ito para sa mga Bocaueñong mahihirap at walang bahay, at sa mga naninirahan sa mga binabaha at delikadong lugar. Sila ang binigyan ng prayoridad ni Villanueva na mapagkalooban ng tahanan.
“Personal ko pong tinutukan ang pagpapatayo nito para masigurong on time ang construction. Masaya rin ako tuwing binibisita ang pabahay at nakikita ko na unti-unti na itong nagagawa,” ayon sa pahayag ng punong bayan.
Mula nang bumalik si Villanueva bilang alkalde ng Bocaue noong 2022, kabi-kabila ang ginawa niyang pagpapatayo ng mga pampublikong gusali at pagpapaayos ng mga kalsada, drainage system, mga basketball court, palengke, fish port at marami pang iba. Kasalukuyan ding ginagawa ang dredging o paghuhukay sa ilog ng Bocaue para luminis at lumalim ito, at magkaroon ng mas malaking holding capacity para sa tubig baha. Binigyan ng prayoridad ni Mayor Villanueva ang flood control program sa bayan ng Bocaue dahil isa ito sa problema ng bayan tuwing tag-ulan.
“Makakaasa po kayo na magpapatuloy ang mga ganitong klase ng proyekto na mapapakinabangan ng mga Bocaueño,” aniya.
Humingi rin si Villanueva ng paumanhin sa mga taong maaapektuhan kung maging mabagal ang takbo ng trapiko sa lugar ng konstruksyon. Nangyayari ito kapag nagsabay-sabay ang dating ng mga trak na may kargang construction materials para sa pabahay. Siniguro rin ng alkalde na pansamantala lang ang traffic at magiging maganda naman ang bunga nito para sa mga Bocaueño.