Mambabatas ng Bulacan isinusulong ang Manila Bay integrated flood control project
Mon Lazaro August 10, 2023 at 06:32 PMGUIGUINTO, Bulacan — Isinusulong ng mga mambabatas ng Bulacan ang Manila Bay Integrated flood control coastal defense and expressway project.
Sinabi sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Kin. Ambrosio “Boy” Cruz ng ika-5 Distrito ng Bulacan na ang nasabing proyekto ay malaki ang maitutulong para mapigilan ang pagbaha sa lalawigan at maging sa karatig lugar nito na dulot ng malakas na pag-ulan at high tide ng Manila Bay.
Aniya, ang mga pangunahing dahilan sa pagbaha sa mga nasabing lugar ay dulot ng malakas na pag-ulan, “land subsidence due excessive groundwater extractions, rapid urban growth,” at high tide ng Manila Bay.
Para maisulong ang Manila Bay Integrated flood control project, sinabi ni Cruz na isang technical working group (TWG) sa Kongreso na pinamumunuan ni Kin. Florida Robes ng Lone District ng Lungsod ng San Jose del Monte ang binuo.
Layunin ng TWG na pagsamahin ang mga makabuluhang probisyon ng HB 3148, HB 492,HB 6559, HB 614.
Ipinaliwanag pa ni Cruz na kailangang magkaroon ng coastal defense system para maproteksiyonan ang mga shorelines ng Manila Bay sa pagtaas ng sea level nito sa hinaharap.
Dahil dito, isinusulong ng mambabatas sa Bulacan ang isang panukala para sa pagbuo ng Manila Bay Integrated Flood Control Coastal Defense and Expressway na magsisilbi rin bilang pananggalang sa high tide ng Manila Bay na nagpapabaha sa mga mabababang lugar ng coastal areas ng Bulacan at mga karatig na lugar.
Aniya, may mga planong nabuo nitong mga nakalipas na taon.
Kabilang dito ang isinulong ng New San Jose Builders Inc. noong taong 2013 ang kombinasyon ng flood control barriers sa northern shores ng Manila Bay at at ang Metro Manila to Bataan toll road na may 50-year concession period.
Dagdag pa niya isusulong ito ng pribadong sektor sa pamamagitan ng Public Private Partnership at noong taong 2015 ay isinulong naman ng San Miguel Corporation Holdings ang nasabing proyekto ngunit hindi ito natuloy.
Sinabi pa ni Cruz na nitong nakalipas na administrasyon ay nagkaroon ng isang “unsolicited proposal to build a coastal defense system in the northern shores of Manila Bay.”
Ngunit sinabi niya na base sa Department of Public Works and Highways, ang nasabing proyekto ay, “required massive resources and a thorough study of the project’s technical requirements and environmental impact.”
Idinagdag pa ng kinatawan ng ika-5 Distrito ng Bulacan na napapanahon na para kumilos ang gobyerno para maproteksiyunan ang northern Manila Bay sa pinsalang naidudulot ng high tide na nakakapagpabaha sa mga baybaying lugar ng mga bayan at lungsod sa paligid nito. At para maibsan ang daloy ng trapiko sa mga rehiyon sa paligid nito dulot ng mga kaunlaran na nararanasan sa mga bayan at lungsod.
Photo: Mon Lazaro