Manny V. Pangilinan, itatayo ang pinakamalaking taniman ng gulay sa bansa sa San Rafael, Bulacan
Mike Manalaysay February 21, 2023 at 05:47 PM
Nagkaroon ng ground breaking ceremony para sa itatayong vegetable greenhouse complex sa Barangay Salapungan, San Rafael, Bulacan noong Lunes, February 20. Ang Metro Pacific Fresh Farms ang kauna-unahan at pinakamalaking taniman ng gulay sa buong bansa. Pag-aari ito ng Metro Pacific Agro Ventures- isang subsidiary ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan, at ng kasosyo nitong LR Group, isang Israeli company.

May sukat na 22 ektarya ang pasilidad. Ayon sa pahayag ng MPIC, gagamit sila ng modernong teknolohiya sa pagtatanim ng gulay kaya magiging 90% less water, 90% less land, at 90-99% less fertilizer at pesticide ang kanilang operasyon. Inaasahang makaka-ani ng 1,200 metric tons o isang milyon at dalawang daang libong kilo (1.2M) ng gulay sa isang taon mula sa greenhouse facility.
“We will make sure prices are affordable and we will make sure we will increase the supply of vegetables, principally for Metro Manila,” ayon kay Manuel V. Pangilinan, Chairman, President at CEO ng Metro Pacific Investments Corporation.

Paliwanag pa ng MPIC, naglaan sila ng halos P1 bilyong pondo para sa pagpapagawa ng pasilidad, pagsasanay ng mga manggagawa sa mga makabagong paraan sa pagtatanim at marami pang iba. Layunin din ng MPIC na makatulong sa food security sa bansa o ang pagkakaroon ng kakayahang makakuha ng sapat, ligtas at masustansyang pagkain. Target nilang matapos ang pagpapatayo sa pasilidad sa loob ng isang taon.
“The vision behind these investments is an agriculturally independent Philippines. We want to help build a nation that’s capable of feeding all of its people.” dagdag pa ni Pangilinan.
Dahil sa laki ng magiging ani ng Metro Pacific Fresh Farms greenhouse facility, magiging sentro ng produksyon ng mataas na kalidad ng gulay sa bansa ang Bayan ng San Rafael. Nagpahayag naman ng kanyang kasiyahan at pasasalamat si Mayor Mark Cholo Violago ng San Rafael.
“Maraming salamat po, Mr. Manny Pangilinan sa tiwala sa bayan ng San Rafael,” ayon kay Mayor Violago.
Kasama sa mga dumalo sa ground breaking ceremony sina Mayor Mark Cholo Violago ng San Rafael; Manny V. Pangilinan, Chairman, President at CEO ng Metro Pacific Investments Corporation; Ami Lustig, Founder at Chairman ng LR Group at Ilan Fluss, Ambassador ng Israel sa Pilipinas.
Photo: San Rafael, Bulacan FB ?page, Mark Cholo Violago FB Page