Marilao LGU nagpatupad ng fuel conservation at energy efficiency measures
Angelo Calixtro March 6, 2026 at 06:58 PM
MARILAO, Bulacan — Ipinatutupad ng Pamahalaang Bayan ng Marilao ang mga hakbang para sa fuel conservation at energy efficiency sa lahat ng tanggapan ng munisipyo bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis at mga hamon sa pandaigdigang suplay ng petrolyo.
Batay sa memorandum na inilabas ng tanggapan ni Mayor Jem Sy noong Marso 2, layunin ng lokal na pamahalaan na palakasin ang pagtitipid sa paggamit ng fuel at pagbutihin ang energy efficiency sa iba’t ibang opisina ng munisipyo. Ipinadala ang memorandum sa lahat ng Department at Section Heads, pati na rin sa mga empleyado ng munisipyo, upang hikayatin ang responsableng paggamit ng enerhiya habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
Ayon sa pamahalaang bayan, bahagi ang hakbang na ito ng pagsuporta sa Government Energy Management Program (GEMP) alinsunod sa Republic Act No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act.
Ipinaliwanag din na ang pagpapatupad ng mga nasabing hakbang ay bunsod ng kasalukuyang sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis. Kabilang dito ang mga tensyong geopolitikal sa Middle East na maaaring makaapekto sa produksyon at distribusyon ng petrolyo, na posibleng magdulot ng pagtaas ng presyo at limitadong suplay.
Dahil dito, nagsasagawa ang pamahalaang bayan ng mga praktikal na hakbang upang mabawasan ang konsumo ng fuel, mapababa ang gastusin sa operasyon, at mapanatili ang maayos at tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang pagbabawas sa paggamit ng fuel ng mga government vehicles, generators, heavy equipment, at iba pang makinang gumagamit ng petrolyo. Mahigpit ding ipatutupad ang trip ticket system para sa mga opisyal na sasakyan upang matiyak na ang mga biyahe ay may malinaw na layunin at awtorisasyon.
Inaatasan din ang mga tanggapan na pagsama-samahin ang mga field activities upang maiwasan ang hindi kinakailangang biyahe, habang pansamantalang isinususpinde ang mga non-essential official travel.
Bukod dito, hinihikayat ang mga opisina ng munisipyo na gumamit ng mga alternatibong paraan ng pagtatrabaho tulad ng online meetings, remote work arrangements, at staggered work schedules upang makatulong sa pagbawas ng konsumo ng fuel at enerhiya.
Ayon sa pamahalaang bayan, inaasahang makatutulong ang mga hakbang na ito hindi lamang sa pagtitipid sa gastos ng lokal na pamahalaan kundi maging sa mas responsableng paggamit ng enerhiya at pangangalaga sa kapaligiran.
📷 Marilenews