Mas pinalakas na kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa Malolos
Angelo Calixtro March 30, 2026 at 05:30 PM
MALOLOS, BULACAN — Pinagtibay ng pamahalaang lungsod ang mga hakbang para palakasin ang seguridad sa Malolos kasunod ng isinagawang pulong noong ika-26 ng Marso sa New Malolos City Hall.
Dinaluhan ng mga punong barangay at hepe ng tanod ang nasabing pagpupulong na pinangunahan ng lokal na pamahalaan, katuwang ang Malolos City Police at ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Sentro ng talakayan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew, kabilang ang pagrepaso sa mga parusa para sa mga lalabag. Layunin nitong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Isa sa mga napagkasunduan ang mas pinaigting na koordinasyon ng magkakalapit na barangay sa pamamagitan ng sabayang pagroronda o “kapit-bisig” na patrol operation para masigurong ligtas ang mga komunidad.
Tiniyak ng pamahalaang lungsod na magpapatuloy ang mga ganitong inisyatiba bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa Malolos.
📷 Malolos City Information Office FB