Mayor Jem Sy, ibinigay ang buong sweldo sa mga senior citizen ng Marilao
Mon Lazaro August 14, 2025 at 11:10 PM
MARILAO, Bulacan — Sa isang makabuluhang hakbang ng malasakit, ibinigay ni Mayor Jem Sy ang kanyang buong sweldo bilang punong bayan sa sektor ng mga senior citizen sa bayan ng Marilao.
Kinumpirma ni Mayor Jem sa Arkipelago News Bulacan na ang kanyang unang sahod na nagkakahalaga ng ₱105,000 ay buong puso niyang inilaan para sa kapakanan ng mga nakatatanda sa kanilang bayan.
“Maraming kailangang gawin at maraming dapat tulungan kaya ginagawa natin lahat ng paraan para maipaabot ang tulong sa nakararami,” ani Mayor Jem.
Kilala si Mayor Jem na nagmamahal at nag-aalaga sa mga senior citizen sa kanilang bayan. Sa kanyang plataporma, isa ang Programa para sa mga Senior Citizen sa mga prayoridad na paglalaanan ng pondo.
“Ang ating mga lolo at lola ang nag-alaga sa atin mula pagkabata kaya dapat tayo naman ang mag-alaga sa kanila ngayon,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Mayor Jem na ang kanyang pananaw sa serbisyo publiko ay hindi nakabatay sa sahod, kundi sa kakayahang tumulong sa mga nangangailangan.
“The feeling that you have done something good is more than enough compensation,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, ang mga susunod niyang sahod ay ilalaan sa iba pang sektor sa Marilao tulad ng PWD, “para pandagdag tulong sa mga nangangailangan,” aniya.
Si Mayor Jem Sy ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Marilao. Bukod sa pagiging matagumpay na abogado, siya rin ay may-ari ng isang logistics company na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kanyang kita. Kilala siya bilang isang pilantropo na tumutulong sa mahihirap gamit ang sarili niyang pera, kahit noong siya ay pribadong mamamayan pa lamang.
Pinuri naman ng mga Marilenyo ang kanyang hakbang na idonate ang kanyang sahod. Patunay anila ito ng isang lider na inuuna ang kapakanan ng bayan bago ang pansariling interes, isang halimbawa ng tunay na serbisyo publiko.
📷 Atty. Jem Sy FB