Mayor Jem Sy suportado ang Mayors for Good Governance
Mon Lazaro August 18, 2025 at 09:18 PM
MARILAO, Bulacan — Ipinahayag ni Marilao Mayor Jem Sy ang kanyang suporta sa koalisyon ng mga lokal na opisyal sa ilalim ng grupong Mayors for Good Governance.
Sa panayam ng Arkipelago News Bulacan, kinumpirma ni Mayor Jem Sy na buo ang kanyang suporta para sa transparency at accountability sa gitna ng mga alegasyon ng korupsiyon kaugnay ng ₱350 bilyong halaga ng mga proyekto sa flood control.
“Suportado po natin ang anumang pagkilos para sa mabuting pamamahala at tapat na paggamit ng pondo ng bayan at ito po mismo ang ipinapatupad natin sa Marilao simula po nang tayo ay nagsimulang maglingkod,” aniya.
Ayon sa isang post ng koalisyon sa social media, “Flood control projects have existed for decades, but corruption in these projects has become more alarming, pervasive, and systematic.”
Binibigyang-diin nito na kailangang pangalagaan ang pondo ng bayan, at ang mga mapapatunayang nagkasala ay hindi lamang dapat tanggalin sa puwesto kundi dapat ding kasuhan at ikulong.
“Corruption must end now,” dagdag pa ng koalisyon. “The Filipino people deserve a government that protects and serves them, not one that endangers their lives and robs them of their future.”
Ang mga residente ng bayan ng Marilao, lalo na sa mabababang lugar, ay nakararanas ng pagbaha tuwing tag-ulan at kapag mataas ang tubig sa Manila Bay.
Isa ito sa maraming problema na nais masolusyunan ni Mayor Jem Sy. Pinag-aaralan na rin ng Pamahalaang Bayan ang kanilang mga gagawing hakbang para maibsan ang pagbabaha sa kanilang bayan.
Noong Biyernes, sinamahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng Bulacan na pinangunahan ni Gov. Daniel Fernando sa pag-inspeksyon ng dalawang proyekto sa flood control sa bayan ng Calumpit na natuklasang ginamitan ng substandard na materyales.
📷 Atty. Jem Sy FB