Mayor Jonjon Villanueva at Vice Mayor Sherwin Tugna tumutulong palakasin ang mga kooperatiba sa Bocaue
Mon Lazaro May 14, 2024 at 04:58 PM
Ipinatupad kamakailan ang Municipal Cooperative Development Council ng Bocaue, Bulacan ang strategic planning at team building activities nito.
Sa naging pahayag ni Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva, isinabay sa nasabing gawain ang pagbisita ng MCDC- Bocaue sa Baguio – Benguet Community Credit Cooperative (BBCCC), isa sa mga tinaguriang billionaire cooperative sa bansa dahil sa malaking bilang ng kanilang miyembro at sa dami ng pondo.
Ayon sa alkalde, nais nilang malaman ang magagandang proseso at sistema ng BBCC para maisagawa rin ang mga ito sa mga kooperatiba sa bayan ng Bocaue.
Nakilahok sa strategic planning ang mga mahuhusay na kooperatiba sa Bocaue katulad ng St. Martin of Tours Credit & Dev’t. Cooperative, SPAKBPI MPC,
Bayanihan St. John MPC,
BMMGHS Cooperative, Bocaue MPC, Lolomboy National High School MPC,
Villa Zaragosa Homeowners Credit Coop, at Bocaue Employees Credit Coop. Pinagplanuhan nila ang mga susunod na hakbang para mas lalo pang mapabuti ang ibinibigay na serbisyo ng mga kooperatiba sa kanilang mga miyembro.
Ipinaliwanag din ni Mayor Villanueva na layunin nila ni Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna na palakasin ang mga kooperatiba sa kanilang bayan dahil malaki ang naitutulong ng mga ito sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga Bocaueño.
Kabilang sa nakukuhang benepisyo ng mga miyembro ng koooperatiba ang mga libreng training sa pangangasiwa sa negosyo o pinagkakakitaan, produkto at serbisyo para mas lalong tumaas ang kanilang kita, loan na pwedeng magamit sa iba-ibang bagay, share sa kita ng kooperatiba, at marami pang iba.

Nakiisa rin sa proyektong ito si Councilor Mira Bautista, ang pinuno ng Committee on Trade, Commerce and Industry and Cooperatives sa Sangguniang Bayan ng Bocaue.
📷 Mayor Jonjon Villanueva FB, Vice Mayor Sherwin Tugna FB, Councilor Mira Bautista FB