Mayor Tiongson pinareresolba sa pulis San Miguel ang magkasunod na krimen noong Miyerkules
Mon Lazaro February 9, 2024 at 07:28 AM📷 Mayor Roderick DG Tiongson FB
SAN MIGUEL, Bulacan — Pinareresolba ng alkalde ng bayang ito sa hepe ng pulisya ang magkasunod na krimen na naganap doon nitong nakaraang araw ng Miyerkules.
Inatasan ni Mayor Roderick Tiongson si San Miguel Chief of Police Lt.Col. Avelino Protacio II na resolbahin sa loob ng 48-oras ang insidente ng pamamaril sa dalawang barangay tanod ng Sta. Ines na sina Noli Ramos at Pascual Aquino bandang 6:30 ng gabi na sinundan pa ng panunutok ng baril at pang-aagaw ng motorsiklo sa dalawang tauhan naman ni Mayor Tiongson sa Barangay Biak na Bato.
Ang dalawang barangay tanod ay kasalukuyang nasa pagamutan matapos magtamo ng mga tama ng bala habang ang mga salarin na riding in tandem ay agad na tumakas.
Natangay naman ng mga suspek sa mga tauhan ng alkalde na sina Ranier Ramirez at Ariel Dumapig ang isang Yamaha Aerox motorcycle.
Ayon kay Tiongson, nais niya na agad matukoy at madakip ang mga nasa likod ng mga krimen na ito..
Ayon naman kay Col. Protacio, nagsasagawa na sila ng malalim na imbestigasyon hinggil sa mga nabanggit na insidente at mag-uulat sa mga development nito sa tanggapan ng alkalde sa loob ng itinakdang 48-oras.