Medical at financial assistance para sa mga nagtatrabaho sa barangay
Arkipelago News September 5, 2022 at 10:54 AMNaipasa na ng Sangguniang Bayan ng Bocaue sa ikatlong pagbasa ang ordinansang “magbibigay ng medical, financial at burial cash assistance sa mga Barangay Health Worker (BHW), Mother Leader (ML), Barangay Tanod at Lingkod Lingap Nayon (LLN) sa bayan ng Bocaue sa panahon ng aksidente, pagkakasakit at pagpapaospital,” ayon sa Facebook post ni Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna.
Si Councilor Mirasol Bautista ang may akda ng ordinansa.
“Dahil po sa magandang ordinansa na ito, mas magiging motivated po at lalong gaganahan sa kanilang trabaho ang mga mother leaders, barangay health workers, barangay tanods at mga lingkod lingap sa nayon sa paglilingkod sa mga kababayan nating Bocaueño,” dagdag pa ni Vice Mayor Tugna.
Ayon naman sa tanggapan ni Mayor Jonjon Villanueva, dahil katuwang ng munisipyo ang mga naglilingkod sa barangay, marapat lang daw na madagdagan ang kanilang tinatanggap na benepisyo. Matatandaang kasama rin sa inilatag na plano ng alkalde ang mabigyan ng tulong ang mga nagtatrabaho sa barangay.
Maglalaan ng isang milyong piso ang Sangguniang Bayan bilang paunang pondo para sa nasabing tulong pinansyal sa mga lingkod barangay.
Photo: Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna Fb