Mga Bulakeño dapat may masustansya at abot-kayang halagang pagkain
Mon Lazaro July 25, 2023 at 06:33 PM
LUNGSOD NG MALOLOS–Sa pagdiriwang ng ika-49 buwan ng Nutrisyon, hinikayat ni Gob. Daniel Fernando ang mga Bulakeño na kumain ng masusustansiyang pagkain at magkaroon ng healthy lifestyle.
Dahil dito, sinabi ng gobernador na dapat mayroon silang access sa masustansya at abot-kayang halagang pagkain.
Ang nasabing okasyon ay may temang, “Healthy Diet Gawing Affordable For All” kung saan pinasalamatan nina Fernando at Bise Gob. Alexis Castro ang lahat ng mga komite ng barangay at munisipyo ng nutrisyon sa lalawigan para sa pagsasagawa ng mga programang may kinalaman sa nutrisyon. Sinisiguro rin na ang mga ito ay naipatutupad sa buong taon.
Ipinaliwanag ng gobernador na ang bawat isa ay maaaring iwasan ang mga sakit at maging malusog basta’t kumakain ng masustansiyang pagkain at magkaroon ng healthy lifestyle.
“Lahat po tayo ay kayang labanan ang iba’t ibang sakit at mamuhay ng malusog kung susundin po natin ang mga tamang gabay tulad ng pagkain ng masusustansiyang pagkain gaya ng gulay at prutas, pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, pagkakaron ng sapat na tulog at regular na pag-ehersisyo,” sinabi pa ng gobernador.
Para maitaas ang kamulatan ng mga Bulakenyo, naglinya ng mga gawain ang Provincial Social Welfare and Development Office upang labanan ang malnutrisyon at itampok ang kahalagahan ng malusog na gawi nang pagkain kabilang ang Nutrition-on-Air sa pamamagitan ng Kalingang Bulakenyo.
Tinalakay sa nasabing programa ang First 1,000 Days at Mandatory Food Fortification sa Radyo Kapitolyo at Great PGB Workout sa Capitol Compound tuwing Biyernes ng Hulyo bilang pagsuporta sa Kumainments No. 10 “Maging aktibo, iwasan ang pag-inom ng alak at huwag manigarilyo.”
Photo: Gov. Daniel Fernando FB