Mga magbibigas nabigla sa price cap ng bigas
Mon Lazaro September 2, 2023 at 10:48 AMGOLDEN CITY BUSINESS PARK, Bocaue, Bulacan — Nabigla ang mga mangangalakal ng bigas sa ipinataw na price cap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa presyo nito.
Sa text message sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Rose Dalangin, isang rice trader at dating pangulo ng asosasyon ng Golden City Business Park, sinabi niya na, “Talo po kami.. Dapat mag- adjust ang palay traders according to the price control of rice .”
Sinabi pa niya na ang puhunan sa bigas sa kasalukuyang presyo na P32 kada kilo ng palay ay nasa P52 kada kilo.
Ayon naman kay Tony Santos, isa ring wholesale rice trader sa Bulacan, “Hindi kakayanin na maibenta ang kasalukuyang bentahan ng mga bagong ani na palay na nagkakahalaga ng P32 kada kilo na pangkaraniwan ay short pa sa milling recovery sa itinadhana ng price cap.”
Aniya dapat meron subsidy para hindi malugi ang mga magbibigas lalo na yung mga rice retailers na maliit lamang ang puhunan.
Base sa Executive Order 39 ni Pangulong Marcos itinakda ang presyo ng regular milled rice sa halagang P41 kada kilo at ang well milled rice ay P45 kada kilo naman.
Hinikayat rin ni Pangulong Marcos na i-report ang mga hindi susunod sa price cap na ipinapatupad ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry.
Kinumpirma naman sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Nerson Ray Romero, information officer ng DTI sa Gitnang Luzon, na ang price cap ay epektibong ipatutupad simula nitong Septiyembre 1 taong kasalukuyan.
Sinabi pa niya na ang hindi makakasunod sa nasabing executive order ng Pangulo ay may kinahaharap na multa at parusa sa ilalim ng RA 7581 o ang Price Act of the Philippines.
Sa ilalim ng Section 16 ng nasabing batas isinasaad na, “Any person who violates Section 6 or 7 of this Act shall suffer the penalty of imprisonment for a period of not less than one (1) year nor more than ten (10) years of a fine of not less than Five thousand pesos (P5,000) nor more than One million pesos (P1,000,000), or both, at the discretion of the court.”
Photo: Mon Lazaro