Mga magsasaka ng Malolos nangangambang maputol ang daloy ng tubig irigasyon
Mon Lazaro July 6, 2023 at 10:09 PMNangangamba ang mga magsasaka ng palay sa lungsod ng Malolos na maputol ang daloy ng tubig irigasyon sa kanilang mga lupang sakahan dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, ang water level sa Angat Dam nitong 5:00 ng hapon araw ng Huwebes (Hulyo 6) ay nasa 180.65 na metro.
Ito ay 0.65 na metro na lamang ang taas sa minimum operating level nito na 180 na metro.
Kapag bumaba sa 180 na metro ang water level ng Angat Dam, ang alokasyon para sa tubig irigasyon nito para sa mga lupang sakahan sa Bulacan at ilang parte ng Pampanga ay mapuputol at ang tubig mula sa dam ay irereserba na lang para sa suplay ng tubig inumin para sa mga residente ng Metro Manila.
Dahil dito, ang mga magsasaka sa Lungsod ng Malolos ay nangangamba na maapektuhan ang kanilang mga itatanim na palay.
Sa naging pahayag ni Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, sa kasalukuyan ay nasa land preparation stage na sila matapos makakuha ng supply na tubig mula sa National Irrigation Administration nitong Hunyo 15 sa taong kasalukuyan.
Ngunit sa kabila ng nasimulan na nilang paghahanda ng lupa para sa pagtatanim ng palay sa susunod na buwan ay nangangamba sila na kapusin ang tubig sa kanilang pananim at malugi lamang sila dahil sa banta ng El Niño.
Ayon pa kay Domingo, sapalaran na lang ngayon ang kanilang pagtatanim kaya nanawagan siya sa Department of Agriculture ng tulong kung maibabalik ba ng pamahalaan ang kanilang gastusin sa pagtatanim kung tuluyan nang matuyo ang bukirin dahil sa kawalan ng tubig.
Photo: Mon Lazaro