| Contact Us

Miyembro ng Zapata Criminal Gang arestado sa pagbebenta ng marijuana. 14 nahuli dahil sa shabu

Mon Lazaro June 3, 2023 at 04:05 PM

Isang miyembro ng Zapata Criminal Group ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sto Niño sa bayan ng Hagonoy nitong nakaraang araw ng Huwebes.

Base sa report na ipinadala ng Hagonoy Police Station Kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, nakilala ang suspek na si Christian Javier alias Pareng Lanskie, residente ng Purok 3, Barangay Sta Monica, sa nasabing bayan.

Naaresto diumano si Javier sa aktong ibinebenta ang isang plastic sachet ng pinatuyong dahon ng pinaghihinalaang marijuana sa isang undercover police agent. Nakumpiska rin sa kanya ang sampung pakete ng marijuana na tumitimbang ng 16.3 gramo at may street value na P3,260.

Samantala, naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operations ang 14 na katao nitong araw ng Huwebes.

Sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Sapang Lamig, Barangay Minuyan Proper, sa Lungsod ng San Jose del Monte, nadakip si Melvin Marzan at nakumpiska sa kanya ang labingwalong (18) gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P122,400 at ang ginamit na buy-bust money.

Sampung katao naman ang nahuli ng mga operatiba ng Marilao Police Station sa isang pot session na isinasagawa sa Papa Compound, Barangay Patubig sa, Bayan ng Marilao. Nakumpiska sa nasabing pot session ang tatlong plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Nagsagawa rin ng police operation ang Station Drug Enforcement Units ng Bocaue, Pandi at Santa Maria Police Stations kung saan naaresto sina Ejay Esas sa Barangay Lolomboy sa Bocaue; Reynaldo Gomez Jr. sa Barangay Mapulang Lupa sa bayan ng Pandi at Vida Leo Viernes sa Barangay FVR sa bayan ng Norzagaray.

Narekober sa mga suspek ang may kabuuang labing-isang (11) plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu, buy-bust money at isang .38 kalibre baril na may dalawang bala na nasa pag-iingat ni Viernes.

Photo: Bulacan Police Provincial Office

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 58 Last